Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Levitico 22

22
Paggalang sa mga Bagay na Inihandog
1Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2“Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na inilaan sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh. 3Sabihin mong hindi na makakapaglingkod pang muli sa aking harapan ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi ayon sa tuntunin. May bisa ang tuntuning ito sa buong panahon ng inyong lahi. Ako si Yahweh.
4“Ang sinuman sa angkan ni Aaron na may sakit sa balat na parang ketong o kaya'y may tulo ay hindi dapat kumain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahawak ng bagay na naging marumi dahil sa bangkay, o dahil sa lalaking nilabasan ng sariling binhi, 5sa mga hayop o taong itinuturing na marumi, 6ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya nakakapaligo. 7Paglubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain na ng pagkaing banal na inilaan sa kanya. 8Ang mga pari ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop sapagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh.
9“Dapat sundin ng mga pari ang mga tuntuning ito; kung hindi, magkakasala sila at mamamatay. Ako si Yahweh; inilaan ko sila para sa akin.
10“Hindi makakakain ng anumang bagay na banal ang hindi ninyo kalahi. Hindi maaaring kumain nito ang mga nanunuluyan sa pari o bayarang manggagawa. 11Ngunit ang aliping binili niya, o ipinanganak sa kanyang tahanan ay maaaring kumain niyon. 12Hindi rin maaaring kumain nito ang babaing anak ng pari kung nag-asawa siya ng hindi pari. 13Ngunit kung siya'y mabalo o hiwalayan ng asawa nang walang anak at umuwi sa kanyang ama, makakakain na siya ng pagkain ng kanyang ama. Hindi dapat kumain ng pagkaing banal ang hindi kabilang sa pamilya ng pari.
14“Kung ang sinumang hindi pari ay makakain nito nang di sinasadya, babayaran niya at may patong pang ikalimang parte ng halaga ng kanyang kinain. 15Dapat ingatang mabuti ng mga pari ang mga banal na bagay na inihandog ng mga Israelita para kay Yahweh. 16Huwag nila itong ipapakain sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan sapagkat kapag kumain sila nito, sila'y lumalabag sa tuntunin, at pananagutan nila iyon. Ako si Yahweh. Ginawa kong sagrado ang mga iyon.”
17Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 18“Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog, 19ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang ito'y maging kalugud-lugod. 20Huwag#Deut. 17:1. kayong maghahandog ng anumang bagay na may kapintasan, sapagkat hindi iyon kalugud-lugod. 21Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, ito man ay pagtupad sa panata o kusang-loob. 22Huwag kayong magdadala sa altar ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay, may galis at kati o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin. 23Ang alinmang toro o tupang tabingi ang katawan o bansot ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata. 24Huwag kayong maghahandog ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Hindi ito dapat pahintulutan sa inyong lupain.
25“Huwag din kayong tatanggap mula sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Huwag ninyong tatanggapin ang mga iyon sapagkat ang mga ito'y may kapintasan.”
26Sinabi rin ni Yahweh kay Moises, 27“Ang bisirong baka, tupa o kambing ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin. 28Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro. 29Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang kayo'y maging kalugud-lugod. 30Kakainin ninyo ito sa araw ring iyon. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh.
31“Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh. 32Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan. Sa halip, ako'y inyong dakilain sapagkat ako si Yahweh. Inilaan ko kayo para sa akin. 33Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.”

Kasalukuyang Napili:

Levitico 22: RTPV05

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in