Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Lucas 22:35-62

Lucas 22:35-62 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Pagkatapos nito, tinanong sila ni Jesus, “Nang suguin ko kayong walang dalang lalagyan ng pera, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo ng anuman?” “Hindi po,” tugon nila. Sinabi niya, “Subalit ngayon, kung kayo'y may bag o lalagyan ng pera, dalhin na ninyo. Ang sinumang walang tabak, ipagbili ang kanyang balabal at bumili ng isang tabak. Sinasabi ko sa inyo, dapat mangyari sa akin ang sinasabi ng Kasulatan, ‘Ibinilang siya sa mga salarin,’ sapagkat ang nasusulat tungkol sa akin ay natutupad na.” Sinabi ng mga alagad, “Panginoon, heto po ang dalawang tabak.” “Sapat na iyan!” tugon niya. Gaya ng kanyang kinagawian, umalis si Jesus at nagpunta sa Bundok ng mga Olibo kasama ang mga alagad. Pagdating doo'y sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila, mga isang pukol ng bato ang layo, at doo'y lumuhod at nanalangin. Sabi niya, “Ama, kung maaari po ay ilayo mo sa akin ang kopang ito, ngunit huwag ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas ang loob niya. Dala ng matinding hinagpis, siya'y nanalangin nang lalong taimtim, at pumatak sa lupa ang kanyang pawis na parang malalaking patak ng dugo.] Pagkatapos manalangin, siya'y tumayo at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa labis na kalungkutan. “Bakit kayo natutulog?” tanong niya. “Bumangon kayo at manalangin upang hindi kayo madaig ng tukso.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming taong pinangungunahan ni Judas, na kabilang sa Labindalawa. Nilapitan niya si Jesus upang halikan, subalit tinanong siya ni Jesus, “Judas, ipagkakanulo mo ba ang Anak ng Tao sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga alagad ang mangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamitin na ba namin ang aming tabak?” Kaagad tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng pinakapunong pari at natagpas ang kanang tainga nito. Sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at ang sugat ay kaagad ring naghilom. Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga punong pari, sa mga pinuno ng mga bantay sa Templo at sa pinuno ng bayan na nagparoon upang dakpin siya, “Ako ba'y tulisan, at naparito kayong may mga tabak at mga pamalo? Araw-araw akong nagtuturo sa Templo at naroon din kayo, ngunit hindi ninyo ako dinakip. Subalit ngayon ay panahon na ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.” Dinakip nga nila si Jesus at dinala sa bahay ng pinakapunong pari ng mga Judio. Si Pedro nama'y sumunod sa kanila, ngunit malayo ang agwat. Nagsiga sila sa gitna ng patyo at naupo sa paligid ng apoy, at si Pedro ay nakiumpok sa kanila. Nang makita siya ng isang utusang babae, siya'y pinagmasdang mabuti. Pagkatapos ay sinabi ng babae, “Kasama rin ni Jesus ang taong ito!” Ngunit ikinaila iyon ni Pedro, “Aba, hindi! Ni hindi ko nga iyan kilala!” Pagkaraan ng ilang sandali, mayroon uling nakapansin sa kanya at siya'y tinanong, “Hindi ba't kasamahan ka rin nila?” Ngunit sumagot siya, “Nagkakamali kayo, Ginoo!” Pagkalipas ng may isang oras, iginiit naman ng isa sa naroon, “Kasama nga ni Jesus ang taong ito, sapagkat isa rin siyang taga-Galilea.” Ngunit sumagot si Pedro, “Ginoo, hindi ko nalalaman ang sinasabi ninyo!” Nagsasalita pa siya nang biglang may tumilaok na manok. Lumingon ang Panginoon at tumingin kay Pedro, at naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok sa araw na ito ay tatlong beses mo akong ikakaila.” Lumabas si Pedro at umiyak nang buong pait.

Lucas 22:35-62 Ang Biblia (1905/1982) (ABTAG)

At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi. At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak. Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan. At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na. At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad. At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso. At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin, Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya. At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa. At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis, At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan. Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao? At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak? At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya. Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggan dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling. At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas? Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa't ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman. At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro. At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila. At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya. Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala. At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi. At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok. At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.

Lucas 22:35-62 Ang Salita ng Dios (ASND)

Pagkatapos, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya, “Noong suguin ko kayo nang walang dalang pitaka, bag, o sandalyas, kinulang ba kayo?” Sumagot sila, “Hindi po.” “Ngunit ngayon,” sabi ni Jesus, “Kung may pitaka o bag kayo, dalhin ninyo. At kung wala kayong espada, ipagbili ninyo ang damit ninyo at bumili kayo ng espada. Sapagkat sinasabi ko sa inyo na kailangang matupad ang sinasabing ito ng Kasulatan tungkol sa akin: ‘Itinuring siyang isang kriminal.’ At natutupad na ito ngayon!” Sinabi ng mga tagasunod niya, “Panginoon, may dalawa po kaming espada.” “Tama na iyan,” sagot niya. Lumabas si Jesus sa Jerusalem, at gaya ng nakaugalian niya, pumunta siya sa Bundok ng mga Olibo. Sumama rin ang mga tagasunod niya. Pagdating nila roon, sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo upang hindi kayo madaig ng tukso.” Iniwan niya ang mga tagasunod niya at lumayo nang kaunti. Pagkatapos, lumuhod siya at nanalangin, “Ama, kung maaari ay ilayo nʼyo sana sa akin ang mga paghihirap na darating. Ngunit hindi ang kalooban ko ang masunod kundi ang kalooban ninyo.” [Nagpakita sa kanya ang isang anghel mula sa langit at pinalakas siya. Dahil sa paghihirap ng kanyang kalooban, lalo siyang nanalangin nang taimtim, at ang mga pawis niya ay parang dugo na tumutulo sa lupa.] Pagkatapos, tumayo siya at binalikan ang mga tagasunod niya, pero nadatnan niya silang natutulog dahil napagod sila sa matinding paghihinagpis. Kaya sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natutulog? Bumangon kayo at manalangin, upang hindi kayo madaig ng tukso.” Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Si Judas na isa sa 12 tagasunod ang nangunguna sa kanila. Nilapitan niya si Jesus at hinalikan. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Judas, tinatraydor mo ba ako, na Anak ng Tao, sa pamamagitan ng isang halik?” Nang makita ng mga kasamahan ni Jesus ang mga nangyayari, sinabi nila, “Panginoon, tatagain na ba namin sila?” At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng punong pari, at naputol ang kanang tainga nito. Pero sinaway sila ni Jesus, “Tama na iyan!” Hinipo niya ang tainga ng alipin at pinagaling ito. Pagkatapos, kinausap ni Jesus ang mga namamahalang pari, mga opisyal ng mga guwardya sa templo at ang mga pinuno ng mga Judio na naroon upang dakpin siya, “Isa ba akong tulisan? Bakit kailangan pa ninyong magdala ng mga espada at mga pamalo upang dakpin ako? Araw-araw akong nasa templo, at naroon din kayo. Bakit hindi nʼyo ako dinakip? Ngunit ito na ang pagkakataong ibinigay sa inyo upang dakpin ako. At sa sandaling ito ay naghahari ang kadiliman.” Dinakip nila si Jesus at dinala sa bahay ng punong pari. Sumunod naman si Pedro pero nasa malayo siya. Nagsiga sa gitna ng bakuran ang mga naroon at naupo sila sa paligid ng siga para magpainit. Nakiupo rin si Pedro sa kanila. Nakita siya ng isang utusang babae sa tabi ng siga at tiningnang mabuti. Sinabi ng babae, “Kasamahan din ni Jesus ang lalaking ito!” Pero itinanggi ito ni Pedro, “Babae, hindi ko siya kilala.” Maya-maya, may nakakita na naman sa kanya at nagsabi, “Kasamahan ka rin nila, di ba?” “Aba, hindi!” sagot ni Pedro. Pagkalipas ng isang oras, iginiit naman ng isa, “Totoong kasamahan din ni Jesus ang taong ito, dahil taga-Galilea rin siya.” Pero sumagot si Pedro, “Hindi ko alam kung ano ang pinagsasabi mo!” At habang nagsasalita pa siya ay tumilaok ang manok. Lumingon ang Panginoon at tiningnan si Pedro. Naalala ni Pedro ang sinabi ng Panginoon, “Bago tumilaok ang manok ngayong gabi, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.” Kaya lumabas si Pedro at humagulgol.

Lucas 22:35-62 Ang Biblia (TLAB)

At sinabi niya sa kanila, Nang kayo'y suguin ko na walang supot ng salapi, at supot ng pagkain, at mga pangyapak, kinulang baga kayo ng anoman? At kanilang sinabi, Hindi. At sinabi niya sa kanila, Nguni't ngayon, ang mayroong supot ng salapi ay dalhin ito, at gayon din ang supot ng pagkain; at ang wala, ay ipagbili niya ang kaniyang balabal, at bumili ng isang tabak. Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na kinakailangang matupad sa akin itong nasusulat, At ibinilang siya sa mga suwail: sapagka't ang nauukol sa akin ay may katuparan. At sinabi nila, Panginoon, narito ang dalawang tabak. At sinabi niya sa kanila, Sukat na. At siya'y lumabas, at pumaroon, ayon sa kaniyang kaugalian, sa bundok ng mga Olivo; at nagsisunod naman sa kaniya ang mga alagad. At nang siya'y dumating sa dakong yaon, ay sinabi niya sa kanila, Magsipanalangin kayo nang huwag kayong magsipasok sa tukso. At siya'y humiwalay sa kanila na may agwat na isang itsang bato; at siya'y nanikluhod at nanalangin, Na sinasabi, Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. At napakita sa kaniya ang isang anghel na mula sa langit, na nagpalakas sa kaniya. At nang siya'y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa. At nang magtindig siya sa kaniyang pananalangin, ay lumapit siya sa mga alagad, at naratnan silang nangatutulog dahil sa hapis, At sinabi sa kanila, Bakit kayo nangatutulog? mangagbangon kayo at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso. Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang karamihan, at siyang tinatawag na Judas, na isa sa labingdalawa, ay nangunguna sa kanila; at siya'y lumapit kay Jesus upang ito'y hagkan. Datapuwa't sinabi ni Jesus sa kaniya, Judas, sa isang halik baga ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng tao? At nang makita ng mga kasama niya ang mangyayari, ay kanilang sinabi, Panginoon, magsisipanaga baga kami ng tabak? At tinaga ng isa sa kanila ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kanang tainga niya. Datapuwa't sumagot si Jesus, na nagsabi, Pabayaan ninyo sila hanggang dito. At hinipo niya ang tainga ng alipin, at ito'y pinagaling. At sinabi ni Jesus sa mga pangulong saserdote, at sa mga punong kawal sa templo, at sa mga matanda, na nagsidating laban sa kaniya, Kayo'y nagsilabas, na tila laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas? Nang ako'y kasama ninyo sa templo araw-araw, ay hindi ninyo iniunat ang inyong mga kamay laban sa akin; datapuwa't ito ang inyong oras, at ang kapangyarihan ng kadiliman. At kanilang dinakip siya, at dinala siya, at ipinasok siya sa bahay ng pangulong saserdote. Datapuwa't sa malayo'y sumusunod si Pedro. At nang makapagpadikit nga sila ng apoy sa gitna ng looban, at mangakaupong magkakasama, si Pedro ay nakiumpok sa gitna nila. At isang alilang babae, na nakakakita sa kaniya samantalang siya'y nakaupo sa liwanag ng apoy, ay tinitigan siya, at sinabi, Ang taong ito ay kasama rin niya. Datapuwa't siya'y nagkaila, na nagsasabi, Babae, hindi ko siya nakikilala. At pagkaraan ng isang sangdali ay nakita siya ng iba, at sinabi, Ikaw man ay isa sa kanila. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, ako'y hindi. At nang makaraan ang may isang oras, ay pinatotohanan ng iba pa, na nagsasabi, Sa katotohanan, ang taong ito'y kasama rin niya; sapagka't siya'y Galileo. Datapuwa't sinabi ni Pedro, Lalake, hindi ko nalalaman ang sinasabi mo. At pagdaka, samantalang siya'y nagsasalita pa, ay tumilaok ang manok. At lumingon ang Panginoon, at tinitigan si Pedro. At naalaala ni Pedro ang salita ng Panginoon, kung paanong sinabi niya sa kaniya, Bago tumilaok ang manok ngayon, ay ikakaila mo akong makaitlo. At siya'y lumabas, at nanangis ng kapaitpaitan.

Lucas 22:35-62 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)