Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Mateo 17:1-27

Mateo 17:1-27 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus si Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan, at sila'y umakyat sa isang mataas na bundok. Habang sila'y naroroon, nakita nilang nagbago ang anyo ni Jesus, nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha at nagningning sa kaputian ang kanyang damit. Nakita na lamang ng tatlong alagad sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabuti't naririto kami. Kung gusto ninyo, gagawa ako ng tatlong kubol, isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Habang nagsasalita pa si Pedro, nililiman sila ng napakaliwanag na ulap. Mula rito'y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig ng mga alagad ang tinig, labis silang natakot at nagpatirapa. Ngunit nilapitan sila ni Jesus at hinawakan. “Tumayo kayo, huwag kayong matakot!” sabi niya. Nang tumingin sila, si Jesus na lamang ang kanilang nakita. Habang sila'y bumababa sa bundok, iniutos sa kanila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nasaksihan hangga't hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Tinanong siya ng mga alagad, “Bakit po sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na dapat munang dumating si Elias?” Sumagot siya, “Paparito nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. At sinasabi ko sa inyo, pumarito na si Elias ngunit hindi siya kinilala ng mga tao, at ginawa nila kay Elias ang gusto nila. Kaya't tulad ng ginawa sa kanya, pahihirapan din nila ang Anak ng Tao.” Naunawaan ng mga alagad na si Juan na Tagapagbautismo ang tinutukoy niya. Nang sila'y makabalik, napakaraming tao ang kanilang nadatnan. Lumapit kay Jesus ang isang lalaki at lumuhod ito sa harap niya, at nagsabi, “Ginoo, maawa po kayo sa anak ko! Siya po'y may epilepsya at lubhang nahihirapan kapag sinusumpong. Madalas po siyang mabuwal sa apoy o kaya'y mahulog sa tubig. Dinala ko po siya sa inyong mga alagad ngunit siya'y hindi nila mapagaling.” Sumagot si Jesus, “Lahing napakasama at walang pananampalataya! Hanggang kailan ako dapat manatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!” Inutusan ni Jesus ang demonyo na lumabas sa bata, at ang bata'y gumaling agad. Pagkatapos, lumapit ang mga alagad at tinanong si Jesus, nang wala na ang ibang nakakarinig, “Bakit po hindi namin mapalayas ang demonyo?” Sumagot siya, “Dahil sa maliit ang inyong pananampalataya. Tandaan ninyo: kung kayo'y may pananampalataya sa Diyos na sinlaki ng buto ng mustasa, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at ito'y lilipat nga. Tunay na walang bagay na hindi ninyo magagawa.” Nang magkatipon sa Galilea ang mga alagad, sinabi sa kanila ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay pagtataksilan at papatayin, ngunit siya'y muling bubuhayin sa ikatlong araw.” At sila'y lubhang nalungkot. Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis para sa templo. “Nagbabayad ba ng buwis para sa templo ang inyong guro?” tanong nila. “Opo,” sagot ni Pedro. Nang pumasok siya sa bahay, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Simon? Sino ang dapat magbayad ng buwis sa hari ng isang bansa, ang mga mamamayan ba, o ang mga dayuhan?” “Ang mga dayuhan po,” tugon ni Pedro. Sinabi ni Jesus, “Kung gayon, hindi dapat magbayad ang mga mamamayan. Gayunman, para wala silang masabi sa atin, pumunta ka sa lawa at mamingwit ka. Kunin mo ang unang isdang mahuli mo, ibuka mo ang bibig niyon, at may makikita kang isang malaking salaping pilak. Kunin mo iyon at ibayad mo para sa buwis nating dalawa.”

Mateo 17:1-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

Pagkaraan ng anim na araw, isinama ni Jesus sina Pedro at ang magkapatid na Santiago at Juan sa isang mataas na bundok ng sila-sila lang. At habang nakatingin sila kay Jesus, nagbago ang kanyang anyo. Nagliwanag na parang araw ang kanyang mukha, at ang damit niyaʼy naging puting-puti na parang liwanag. Bigla nilang nakita sina Moises at Elias na nakikipag-usap kay Jesus. Sinabi ni Pedro kay Jesus, “Panginoon, mabutiʼt narito kami. Kung gusto nʼyo po, gagawa ako ng tatlong kubol: isa para sa inyo, isa para kay Moises at isa para kay Elias.” Habang nagsasalita pa si Pedro, nabalot sila ng nakakasilaw na ulap. At may tinig silang narinig mula sa mga ulap na nagsasabing, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan. Pakinggan ninyo siya!” Nang marinig iyon ng mga tagasunod, nagpatirapa sila sa takot. Pero nilapitan sila ni Jesus at tinapik. Sinabi niya, “Tumayo kayo. Huwag kayong matakot.” Pagtingin nila, wala na silang ibang nakita kundi si Jesus na lang. Nang pababa na sila sa bundok, sinabihan sila ni Jesus, “Huwag ninyong sasabihin kahit kanino ang inyong nakita hanggaʼt ang Anak ng Tao ay hindi pa muling nabubuhay.” Tinanong siya ng kanyang mga tagasunod, “Bakit sinasabi ng mga tagapagturo ng Kautusan na kailangan daw munang dumating si Elias bago dumating ang Cristo?” Sumagot si Jesus, “Totoo iyan, kailangan ngang dumating muna si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo: dumating na si Elias. Kaya lang hindi siya nakilala ng mga tao at ginawa nila ang gusto nilang gawin sa kanya. Ganyan din ang gagawin nila sa akin na Anak ng Tao. Pahihirapan din nila ako.” At naunawaan ng mga tagasunod niya na ang tinutukoy niyaʼy si Juan na tagapagbautismo. Pagbalik nina Jesus sa kinaroroonan ng maraming tao, lumapit sa kanya ang isang lalaki, lumuhod ito sa kanyang harapan at sinabi, “Panginoon, maawa po kayo sa anak kong lalaki. May epilepsya siya at grabe ang paghihirap niya kapag sinusumpong. Madalas siyang matumba sa apoy at madalas din siyang mahulog sa tubig. Dinala ko siya sa mga tagasunod nʼyo, pero hindi po nila mapagaling.” Sumagot si Jesus, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya at baluktot ang pag-iisip! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” Sinaway ni Jesus ang masamang espiritu at lumabas ito sa bata. At gumaling ang bata noon din. Nang sila-sila na lang, lumapit kay Jesus ang mga tagasunod niya at nagtanong, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” Sumagot si Jesus, “Dahil mahina ang pananampalataya ninyo. Sinasabi ko sa inyo ang totoo, kung may pananampalataya kayo na kahit kasinlaki lang ng buto ng mustasa, masasabi ninyo sa bundok na ito, ‘Lumipat ka roon!’ at lilipat nga ito. Walang bagay na hindi ninyo magagawa.” [Ngunit ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin at pag-aayuno.] Habang nagtitipon sina Jesus at ang mga tagasunod niya sa Galilea, sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang Anak ng Tao ay ipagkakanulo sa kamay ng mga tao. Papatayin nila ako, pero mabubuhay akong muli pagkaraan ng tatlong araw.” Labis itong ikinalungkot ng mga tagasunod ni Jesus. Pagdating nila sa Capernaum, lumapit kay Pedro ang mga maniningil ng buwis at nagtanong, “Nagbabayad ba ng buwis ang guro ninyo para sa templo?” Sumagot si Pedro, “Oo, nagbabayad siya.” Nang makabalik si Pedro sa tinutuluyan nila, tinanong siya ni Jesus, “Ano sa palagay mo, Pedro? Kanino nangongolekta ng mga buwis ang mga hari, sa mga anak nila o sa ibang tao?” Sumagot si Pedro, “Sa ibang tao po.” Sinabi ni Jesus, “Kung ganoon, nangangahulugan na hindi kailangang magbayad ng buwis ang mga anak. Pero kung hindi tayo magbabayad, baka sumama ang loob nila sa atin. Kaya pumunta ka sa lawa at mamingwit. Ibuka mo ang bibig ng unang isdang mahuhuli mo at makikita mo roon ang perang sapat na pambayad sa buwis nating dalawa. Kunin mo ito at ibayad sa mga nangongolekta ng buwis para sa templo.”

Mateo 17:1-27 Ang Biblia (TLAB)

At pagkaraan ng anim na araw, ay isinama ni Jesus si Pedro, at si Santiago, at si Juan na kapatid niya, at sila'y dinalang bukod sa isang mataas na bundok: At nagbagong-anyo siya sa harap nila; at nagliwanag ang kaniyang mukha na katulad ng araw, at pumuting tulad sa ilaw ang kaniyang mga damit. At narito, napakita sa kanila si Moises at si Elias na nakikipagusap sa kaniya. At sumagot si Pedro, at sinabi kay Jesus, Panginoon, mabuti sa atin ang tayo'y dumito: kung ibig mo, ay gagawa ako rito ng tatlong tabernakulo; isa ang sa iyo, at isa ang kay Moises, at isa ang kay Elias. Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan. At nang marinig ito ng mga alagad, ay nangasubasub sila, at lubhang nangatakot. At lumapit si Jesus at sila'y tinapik, at sinabi, Mangagbangon kayo, at huwag kayong mangatakot. At sa paglingap ng kanilang mga mata, ay wala silang nakitang sinoman, kundi si Jesus lamang. At habang sila'y nagsisibaba mula sa bundok, ay iniutos sa kanila ni Jesus, na nagsasabi, Huwag ninyong sabihin kanino mang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay. At tinanong siya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Bakit nga sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias? At sumagot siya, at sinabi, Katotohanang si Elias ay paririto, at isasauli ang lahat ng mga bagay: Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na naparito na si Elias, at hindi nila siya nakilala, kundi ginawa nila sa kaniya ang anomang kanilang inibig. Gayon din naman ang Anak ng tao ay magbabata sa kanila. Nang magkagayo'y napagunawa ng mga alagad na si Juan Bautista ang sa kanila'y sinasabi niya. At pagdating nila sa karamihan, ay lumapit sa kaniya ang isang lalake, na sa kaniya'y lumuhod, at nagsasabi, Panginoon, mahabag ka sa aking anak na lalake: sapagka't siya'y himatayin, at lubhang naghihirap; sapagka't madalas na siya'y nagsusugba sa apoy, at madalas sa tubig. At siya'y dinala ko sa iyong mga alagad, at hindi nila siya mapagaling. At sumagot si Jesus at sinabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan titiisin ko kayo? dalhin ninyo siya rito sa akin. At pinagwikaan siya ni Jesus; at ang demonio ay lumabas sa kaniya: at ang bata'y gumaling mula nang oras ding yaon. Nang magkagayo'y nagsilapit na bukod ang mga alagad kay Jesus, at nangagsabi, Bakit baga hindi namin napalabas yaon? At sinabi niya sa kanila, Dahil sa kakauntian ng inyong pananampalataya: sapagka't katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung magkaroon kayo ng pananampalataya na kasinglaki ng butil ng binhi ng mostasa, ay masasabi ninyo sa bundok na ito, Lumipat ka mula rito hanggang doon; at ito'y lilipat; at sa inyo'y hindi may pangyayari. Datapuwa't ang ganito'y hindi lumalabas kundi sa pamamagitan ng panalangin at ayuno. At samantalang sila'y nangakahimpil sa Galilea, ay sinabi sa kanila ni Jesus, Ang Anak ng tao ay ibibigay sa mga kamay ng mga tao; At siya'y papatayin nila, at sa ikatlong araw ay siya'y muling ibabangon. At sila'y lubhang nangamanglaw, At pagdating nila sa Capernaum, ay nangagsilapit kay Pedro ang mga maniningil ng kalahating siklo, at nangagsabi, Hindi baga pinagbabayaran ng inyong guro ang kalahating siklo? Sinabi niya, Oo. At nang pumasok siya sa bahay, ay pinangunahan siya ni Jesus, na nagsasabi, Anong akala mo, Simon? ang mga hari sa lupa, kanino baga sila nanganiningil ng kabayaran ng buwis? sa kanilang mga anak baga o sa nangaiiba? At nang sabihin niya, Sa nangaiiba, ay sinabi sa kaniya ni Jesus, Kung gayo'y hindi nangagbabayad ang mga anak. Datapuwa't, baka katisuran tayo nila, ay pumaroon ka sa dagat, at ihulog mo ang kawil, at kunin mo ang unang isdang lumitaw; at pagka naibuka mo na ang kaniyang bibig, ay masusumpungan mo ang isang siklo: kunin mo, at ibigay mo sa kanila sa ganang akin at sa iyo.

Mateo 17:1-27 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)