Mateo 23:1-22
Mateo 23:1-22 Magandang Balita Bible (Revised) (RTPV05)
Pagkatapos ay sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya't gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos, ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang ginagawa sapagkat hindi nila tinutupad ang kanilang ipinapangaral. Pinagpapasan nila ng mabibigat na dalahin ang mga tao, ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang mga lalagyan ng talata sa kanilang noo at braso, at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang nais nila ay ang mga upuang pandangal sa mga handaan at ang mga tanging upuan sa sinagoga. Gustung-gusto nilang iginagalang sila sa mga palengke, at tawaging ‘guro.’ Ngunit kayo, huwag kayong patawag na ‘guro,’ sapagkat iisa ang inyong Guro at kayong lahat ay magkakapatid. Huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Ama na nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong tagapagturo, ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. Ang nagmamataas ay ibababâ, at ang nagpapakumbabá ay itataas.” “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao upang hindi sila makapasok sa kaharian ng langit. Ayaw na ninyong pumasok, hinahadlangan pa ninyo ang mga nais pumasok! “Kahabag-habag kayo, mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo! Mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang karagatan at ginagalugad ang buong daigdig makahikayat lamang kayo ng kahit isang Hentil sa pananampalatayang Judio. Ngunit kung ito'y mahikayat, ginagawa ninyo siyang masahol pa kaysa sa inyo. Kaya't lalong may dahilan para siya'y parusahan sa impiyerno. “Kahabag-habag kayo, mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung gagamitin ninuman ang Templo sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya sa panunumpa ay ang ginto ng Templo, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto, o ang Templong nagpapabanal sa ginto? Sinasabi rin ninyo na kung gagamitin ninuman ang dambana sa panunumpa, walang anuman ito. Ngunit kung ang gagamitin niya ay ang handog na nasa dambana, dapat niyang tuparin ang kanyang sumpa. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang dambana na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang sinuman na saksi ang dambana, ginagawa niyang saksi ito at ang lahat ng handog dito. Kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang Templo, ginagawa niyang saksi ito at ang Diyos na nasa Templo. At kapag nanumpa ang sinuman na saksi niya ang langit, ginagawa niyang saksi ang trono ng Diyos at ang Diyos na nakaupo doon.
Mateo 23:1-22 Ang Salita ng Dios (ASND)
Pagkatapos, nagsalita si Jesus sa mga tao at sa mga tagasunod niya. Sinabi niya, “Ang mga tagapagturo ng Kautusan at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya dapat ninyong pakinggan at sundin ang lahat ng itinuturo nila sa inyo. Pero huwag ninyong gayahin ang mga ginagawa nila dahil hindi nila ginagawa ang mga itinuturo nila. Ipinapatupad nila sa inyo ang mahihirap nilang kautusan, pero sila mismo ay hindi sumusunod sa mga ito. Ang lahat ng ginagawa nila ay pakitang-tao lang. At upang ipakita na napakarelihiyoso nila, nilalakihan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang laylayan ng kanilang mga damit. Mahilig silang umupo sa mga upuang pandangal sa mga handaan at mga sambahan. At gustong-gusto nilang batiin silaʼt igalang sa mga mataong lugar at tawaging ‘Guro.’ Ngunit huwag kayong magpatawag na ‘Guro,’ dahil lahat kayoʼy magkakapatid at iisa lang ang inyong Guro. At huwag ninyong tawaging ‘Ama’ ang sinuman dito sa lupa, dahil iisa lang ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag din kayong magpatawag na ‘Amo,’ dahil iisa lang ang inyong amo, walang iba kundi ang Cristo. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ng kanyang sarili ay ibababa ng Dios, at ang nagpapakababa ay itataas ng Dios.” “Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Hinahadlangan ninyo ang mga tao na mapabilang sa kaharian ng Dios. Kayo mismo ay ayaw mapabilang at pinipigilan pa ninyo ang mga gustong mapabilang! [Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari. Dinadaya ninyo ang mga biyuda para makuha ang kanilang mga ari-arian, at pinagtatakpan ninyo ang inyong mga ginagawa sa pamamagitan ng mahabang pagdarasal. Dahil dito, tatanggap kayo ng mas mabigat na parusa!] Nakakaawa kayong mga tagapagturo ng Kautusan at mga Pariseo, kayong mga mapagkunwari! Nilalakbay ninyo ang dagat at lupa, mahikayat lang ang isang tao sa inyong pananampalataya. At kapag may nahikayat na kayo, ginagawa ninyo siyang mas masahol pa sa inyo at mas karapat-dapat pang parusahan sa impyerno! Kaawa-awa kayong mga bulag na tagaakay! Itinuturo ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa templo, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa gintong nasa templo, dapat niya itong tuparin. Mga bulag! Mga hangal! Alin ba ang mas mahalaga, ang ginto o ang templo na nagpapabanal sa ginto? Itinuturo rin ninyo na kung manunumpa ang isang tao sa altar, hindi niya ito kailangang tuparin. Ngunit kung manunumpa siya sa handog na nasa altar, dapat niya itong tuparin. Mga bulag! Alin ba ang mas mahalaga, ang handog o ang altar na nagpapabanal sa handog? Kaya nga, kapag nanumpa ang isang tao sa altar, nanunumpa rin siya pati sa handog na nasa altar. Kapag nanumpa siya sa templo, nanunumpa rin siya pati sa Dios na naninirahan doon. At kapag nanumpa siya sa langit, nanunumpa rin siya pati sa trono ng Dios at sa Dios mismo na nakaupo roon.
Mateo 23:1-22 Ang Biblia (TLAB)
Nang magkagayo'y nagsalita si Jesus sa mga karamihan at sa kaniyang mga alagad, Na nagsasabi, Nagsisiupo ang mga eskriba at mga Fariseo sa luklukan ni Moises. Lahat nga ng mga bagay na sa inyo'y kanilang ipagutos, ay gawin ninyo at ganapin: datapuwa't huwag kayong magsigawa ng alinsunod sa kanilang mga gawa; sapagka't kanilang sinasabi, at hindi ginagawa. Oo, sila'y nangagbibigkis ng mabibigat na pasan at mahihirap na dalhin, at ipinapasan nila sa mga balikat ng mga tao; datapuwa't ayaw man lamang nilang kilusin ng kanilang daliri. Datapuwa't ginagawa nila ang lahat ng kanilang mga gawa upang mangakita ng mga tao: sapagka't nangagpapalapad sila ng kanilang mga pilakteria, at nangagpapalapad ng mga laylayan ng kanilang mga damit, At iniibig ang mga pangulong dako sa mga pigingan, at ang mga pangulong luklukan sa mga sinagoga, At pagpugayan sa mga pamilihan, at ang sila'y tawagin ng mga tao, Rabi. Datapuwa't kayo'y huwag patawag na Rabi: sapagka't iisa ang inyong guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging inyong ama ang sinomang tao sa lupa: sapagka't iisa ang inyong ama, sa makatuwid baga'y siya na nasa langit. Ni huwag kayong patawag na mga panginoon; sapagka't iisa ang inyong panginoon, sa makatuwid baga'y ang Cristo. Datapuwa't ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo. At sinomang nagmamataas ay mabababa; at sinomang nagpapakababa ay matataas. Datapuwa't sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagka't kayo'y hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba't mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagka't sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaing bao, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya't magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa. Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! sapagka't inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong makakampi; at kung siya'y magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impierno kay sa inyong sarili. Sa aba ninyo, kayong mga tagaakay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninoman ang templo, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? At, kung ipanumpa ninoman ang dambana, ay walang anoman; datapuwa't kung ipanumpa ninoman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga bulag: sapagka't alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? Kaya't ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa ibabaw nito. At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Dios, at yaong nakaluklok doon.
Mateo 23:1-22 Magandang Balita Biblia (2005) (MBB05)