Santiago 1:19-27
Mga kapatid kong minamahal, unawain ninyo ito: maging alisto kayo sa pakikinig, dahan-dahan sa pagsasalita at huwag agad magagalit. Dahil ang galit ay hindi nakakatulong upang ang tao'y maging kalugud-lugod sa paningin ng Diyos. Kaya't talikuran na ninyo ang inyong maruruming gawa at alisin ang masasamang asal. Mapagpakumbabang tanggapin ninyong taimtim sa inyong puso ang salita ng Diyos sapagkat ang salitang ito ang makakapagligtas sa inyo. Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito'y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumingin sa salamin, at pagkatapos tingnang mabuti ang sarili ay umalis at kinakalimutan ang kanyang hitsura. Ang taong nagsasaliksik at nagpapatuloy sa pagsunod sa Kautusang ganap na nagpapalaya sa tao ang pagpapalain ng Diyos sa lahat ng kanyang gawain. Siya ang taong gumagawa at hindi nakikinig lamang, at pagkatapos ay nakakalimot. Kung inaakala ninuman na siya'y relihiyoso, ngunit hindi naman siya marunong magpigil ng dila, dinadaya lamang niya ang kanyang sarili. Walang kabuluhan ang kanyang pagiging relihiyoso. Ang pagiging relihiyoso na dalisay at walang dungis sa harap ng ating Diyos at Ama ay ang pagtulong sa mga ulila at sa mga biyuda sa kanilang kahirapan, at pag-iingat sa sarili upang huwag mahawa sa kasamaan ng mundong ito.
Santiago 1:19-27