MGA TAGA ROMA 8:31-39
Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay sa atin ang lahat ng bagay? Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino ang hahatol na sila'y parusahan? Si Cristo Jesus na pinatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? Ayon sa nasusulat, “Dahil po sa inyo'y buong araw kaming pinapatay, turing nila sa amin ay mga tupang pangkatay.” Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y siguradong magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan o ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, ang kataasan, ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
Mga Taga-Roma 8:31-39