Genesis 28

28
1Kaya ipinatawag ni Isaac si Jacob. Pagdating niya, binasbasan niya ito at inutusan, “Huwag kang mag-aasawa ng taga-Canaan. 2Maghanda ka at pumunta sa Padan Aram,#28:2 Padan Aram: Isang lugar sa Mesopotamia. doon sa lolo mong si Betuel na ama ng iyong ina. Doon ka pumili ng iyong mapapangasawa sa isa sa mga dalagang anak ni Laban na kapatid ng iyong ina. 3Nawaʼy pagpalain ka ng Makapangyarihang Dios at bigyan ka ng maraming anak para maging ama ka ng maraming grupo ng tao. 4Nawaʼy ibigay din sa iyo at sa mga lahi mo ang pagpapalang ibinigay niya kay Abraham, para maging iyo ang lupaing ito na iyong tinitirhan ngayon bilang isang dayuhan. Ang lupaing ito ay ibinigay nga ng Dios kay Abraham.” 5Agad na pinapunta ni Isaac si Jacob sa Padan Aram, sa lugar ni Laban na anak ni Betuel na Arameo. Si Laban ay kapatid ni Rebeka na ina nina Jacob at Esau.
Muling nag-asawa si Esau
6Nalaman ni Esau na binasbasan ni Isaac si Jacob at pinapunta sa Padan Aram para roon maghanap ng mapapangasawa. Nalaman din niya na binasbasan ni Isaac si Jacob, inutusan niya ito na huwag mag-asawa ng taga-Canaan. 7At nalaman din niyang sumunod si Jacob sa magulang nila at pumunta sa Padan Aram. 8Dito napansin ni Esau na ayaw ng kanyang ama ang mga babaeng taga-Canaan. 9Kaya pumunta siya sa tiyuhin niyang si Ishmael na anak ni Abraham kay Hagar at napangasawa si Mahalat na kapatid ni Nebayot at anak ni Ishmael, bukod pa sa dalawang naging asawa niya.
Nanaginip si Jacob sa Betel
10Umalis si Jacob sa Beersheba at lumakad papuntang Haran. 11Nang lumubog na ang araw, nakarating siya sa isang lugar at doon nanatili nang gabing iyon. Kumuha siya ng isang bato at ginawa niyang unan sa pagtulog niya. 12Ngayon, nanaginip siya na may isang hagdan na nakatayo sa lupa na abot hanggang langit. Nakita niya ang mga anghel ng Dios na umaakyat at bumababa sa hagdan. 13Nakita rin niya ang Panginoon na nakatayo sa itaas ng hagdan#28:13 sa itaas ng hagdan: o, sa tabi niya. at sinabi sa kanya, “Ako ang Panginoon, ang Dios ni Abraham at ni Isaac. Ibibigay ko sa iyo at sa mga lahi mo ang lupaing ito na iyong hinihigaan. 14Ang mga lahi mo ay magiging kasindami ng alikabok sa lupa. Mangangalat sila sa ibaʼt ibang bahagi ng lupa. Sa pamamagitan mo at ng mga lahi mo, pagpapalain ko ang lahat ng tao sa mundo. 15Alalahanin mo palagi na kasama mo ako at iingatan kita kahit saan ka pumunta. Pababalikin kita sa lupaing ito at hindi kita pababayaan hanggang sa matupad ko ang aking ipinangako sa iyo.”
16Biglang nagising si Jacob at sinabi niya sa kanyang sarili, “Hindi ko alam na nandito pala ang Panginoon sa lugar na ito.” 17Kinabahan siya at sinabi, “Nakakamangha ang lugar na ito! Tirahan ito ng Dios at dito mismo ang pintuan papuntang langit.”
18Maagang bumangon si Jacob. Kinuha niya ang batong inunan niya noong gabi at itinayo bilang isang alaala. Pagkatapos, binuhusan niya ito ng langis para maging banal. 19Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Betel.#28:19 Betel: Ang ibig sabihin, tirahan ng Dios. Dati ay Luz ang pangalan ng lugar na iyon.
20Sumumpa agad si Jacob na nagsabi, “Panginoon, kung sasamahan po ninyo ako at bibigyan po ng pagkain at damit, 21at kung makakabalik po akong muli sa bahay ng aking ama na walang masamang nangyari sa akin, kikilalanin ko po kayong aking Dios. 22Ang bato pong ito na itinayo ko bilang isang alaala ay magpapatunay ng inyong presensya sa lugar#28:22 magpapatunay … lugar: sa literal, magiging tirahan ng Dios. na ito. At ibibigay ko po sa inyo ang ikasampung bahagi ng lahat ng ibibigay nʼyo sa akin.”

Currently Selected:

Genesis 28: ASND

Qaqambisa

Share

Copy

None

Ufuna ukuba iimbalasane zakho zigcinwe kuzo zonke izixhobo zakho? Bhalisela okanye ngena