Genesis 14
14
Iniligtas ni Abram si Lot
1Nang panahong iyon, sina Haring Amrafel ng Sinar, Arioc ng Elasar, Kedorlaomer ng Elam at Tidal ng Goyim, 2ay nakipagdigma kina Haring Bera ng Sodoma, Birsha ng Gomorra, Shinab ng Adma, Shemeber ng Zeboim at Zoar ng Bela. 3Tinipon ng limang haring ito ang kanilang mga hukbo sa kapatagan ng Sidim na tinatawag ding Dagat na Patay. 4Ang mga ito ay labindalawang taon nang nasasakop ni Kedorlaomer, ngunit nang ika-13 taon, nagkaisa-isa silang umaklas laban sa kanya. 5Isang taon buhat nang sila'y umaklas, dumating si Kedorlaomer, kasama ang mga haring kakampi niya upang sila'y muling sakupin. Nalupig na niya ang mga bansang kanyang dinaanan: ang mga Refaita sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham at ang mga Emita sa Save-kiryataim. 6Tinalo na rin nila ang mga Horeo sa kabundukan ng Seir hanggang sa Elparan, sa gilid ng disyerto. 7Buhat doo'y bumaling silang patungo sa Kades (o Enmispat) at sinakop ang lupain ng mga Amalekita at ng mga Amoreo sa Hazazon-tamar.
8Tinipon nga ng mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboim at Bela ang kanilang mga hukbo sa Kapatagan ng Sidim. At doon nila hinarap 9sina Haring Kedorlaomer ng Elam, Tidal ng Goyim, Amrafel ng Sinar at Arioc ng Elasar—lima laban sa apat. 10Natalo ang limang hari, at nang sila'y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran na marami sa dakong iyon. Ang iba'y nakatakas papunta sa kabundukan. 11Kaya't sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon. 12Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito.
13Isang takas ang nagbalita ng pangyayaring ito kay Abram na Hebreo, na noo'y nakatira malapit sa tabi ng sagradong kahuyan ni Mamre, isang Amoreo. Si Abram at si Mamre, kasama ang mga kapatid niyang sina Escol at Aner ay may umiiral na kasunduan. 14Pagkarinig niya sa nangyari sa kanyang pamangking si Lot, tinawag niya ang kanyang mga tauhan at nakatipon siya ng 318 mandirigma. Sinundan nila ang mga kalabang hari hanggang sa Dan. 15Pagdating doon, nagdalawang pangkat sila, at pagsapit ng gabi, sinalakay nila ang kaaway. Tinalo nila ang mga ito at hinabol hanggang Hoba sa hilaga ng Damasco. 16Nabawi nilang lahat ang nasamsam na ari-arian at nailigtas si Lot, ang mga kababaihan at ang iba pa nitong mga kasamahan.
Binasbasan ni Melquisedec si Abram
17Sa pagbabalik ni Abram, pagkatapos niyang talunin si Haring Kedorlaomer at ang iba pang mga haring kasama nito, sinalubong siya ng hari ng Sodoma sa Libis ng Save, na tinawag ding Libis ng Hari. 18Dinalhan#Heb. 7:1-10. siya ni Melquisedec, hari ng Salem at pari ng Kataas-taasang Diyos, ng tinapay at alak, 19at binasbasan,
“Pagpalain ka nawa, Abram, ng Kataas-taasang Diyos,
na lumikha ng langit at lupa.
20Purihin ang Kataas-taasang Diyos,
na nagbigay sa iyo ng tagumpay!”
At ibinigay ni Abram kay Melquisedec ang ikasampung bahagi ng lahat ng kanyang nasamsam buhat sa labanan.
21Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Iyo na ang lahat ng bagay na nakuha mo, subalit ibalik mo sa akin ang lahat ng mga tauhan ko.”
22Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. 23Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. 24Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.”
Currently Selected:
Genesis 14: MBB05
ማድመቅ
Share
Copy
ያደመቋቸው ምንባቦች በሁሉም መሣሪያዎችዎ ላይ እንዲቀመጡ ይፈልጋሉ? ይመዝገቡ ወይም ይግቡ
© 2005 Philippine Bible Society