I SAMUEL 31
31
Pinatay si Saul at ang Kanyang Anak
(1 Cro. 10:1-12)
1Ang mga Filisteo ay lumaban sa Israel at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa harap ng mga Filisteo, at patay na nabuwal sa bundok ng Gilboa.
2Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak at pinatay nila sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.
3At ang labanan ay naging mabigat para kay Saul, at inabutan siya ng mga mamamana; at siya'y malubhang sinugatan ng mga mamamana.
4Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak at saksakin mo ako niyon; baka dumating ang mga hindi tuling ito at ako'y saksakin, at ako'y kanilang paglaruan.” Ngunit tumanggi ang kanyang tagadala ng sandata sapagkat siya'y takot na takot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak, at ibinuwal ang sarili doon.
5Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, ibinuwal rin niya ang kanyang sarili sa kanyang tabak at nagpakamatay na kasama niya.
6Gayon namatay si Saul kasama ng kanyang tatlong anak, ang kanyang tagadala ng sandata, at ang lahat niyang mga tauhan nang araw na iyon na magkakasama.
Si Saul at ang Kanyang mga Anak ay Inilibing sa Jabes-gilead
7Nang makita ng mga kalalakihan ng Israel na nasa kabilang dako ng libis at ng mga nasa kabila ng Jordan, na ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas, at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga lunsod at tumakas; at dumating ang mga Filisteo at nanirahan sa mga iyon.
8Kinabukasan, nang ang mga Filisteo ay dumating upang hubaran ang mga patay, natagpuan nila si Saul at ang kanyang tatlong anak na nabuwal sa bundok ng Gilboa.
9Kanilang pinugot ang kanyang ulo at hinubad ang kanyang mga baluti, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.
10Kanilang inilagay ang kanyang baluti sa templo ni Astarte; at kanilang ipinako ang bangkay niya sa pader ng Bet-shan.
11Ngunit nang mabalitaan ng mga naninirahan sa Jabes-gilead ang tungkol sa ginawa ng mga Filisteo kay Saul,
12lahat ng matatapang na lalaki ay tumayo at nagsilakad sa buong gabi at kinuha ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak sa pader ng Bet-shan; at sila'y pumunta sa Jabes at kanilang sinunog doon.
13Kanilang kinuha ang kanilang mga buto at ibinaon sa ilalim ng isang puno ng tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila ng pitong araw.
Currently Selected:
I SAMUEL 31: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001