II SAMUEL 1
1
Nalaman ni David ang tungkol sa Kamatayan ni Saul
1Pagkamatay ni Saul, nang bumalik na si David mula sa pagpatay sa mga Amalekita, nanatili si David ng dalawang araw sa Siclag.
2At nangyari, nang ikatlong araw na, may isang lalaking lumabas sa kampo mula kay Saul na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo. Kaya nga nang dumating siya kay David, siya ay nagpatirapa sa lupa at nagbigay-galang.
3Sinabi ni David sa kanya, “Saan ka nanggaling?” At kanyang sinabi sa kanya, “Nakatakas ako mula sa kampo ng Israel.”
4Sinabi ni David sa kanya, “Ano ang nangyari? Sabihin mo sa akin.” At siya'y sumagot, “Ang taong-bayan ay tumakas sa labanan, at marami sa mga tao ay nabuwal at namatay, si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na rin.”
5At sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Paano mo nalaman na si Saul at si Jonathan na kanyang anak ay patay na?”
6Sinabi#1 Sam. 31:1-6; 1 Cro. 10:1-6 ng binatang nagbalita sa kanya, “Nagkataong ako ay nasa bundok ng Gilboa at naroroon si Saul na nakasubsob sa kanyang sibat samantalang papalapit sa kanya ang mga karwahe at mga mangangabayo.
7Nang siya'y lumingon, nakita niya ako. Tinawag niya ako, at ako'y sumagot, ‘Narito ako.’
8Sinabi niya sa akin, ‘Sino ka?’ Ako'y sumagot sa kanya, ‘Ako'y isang Amalekita.’
9At sinabi niya sa akin, ‘Tumayo ka sa tabi ko, ipinapakiusap ko sa iyo, at patayin mo ako, dahil hirap na hirap na ako, ngunit ako'y buháy pa.’#1:9 Sa Hebreo ay ang aking buhay ay nananatili pa.
10Kaya't tumayo ako sa tabi niya at pinatay ko siya, sapagkat nakakatiyak ako na siya'y hindi mabubuhay pagkatapos na siya'y nabuwal. At kinuha ko ang korona na nasa kanyang ulo at ang pulseras na nasa kanyang kamay, at dinala ko rito sa aking panginoon.”
11Nang magkagayo'y hinawakan ni David ang kanyang kasuotan at pinunit iyon; gayundin ang ginawa ng lahat ng mga lalaking kasama niya.
12Sila'y nagluksa, umiyak, at nag-ayuno hanggang sa paglubog ng araw dahil kay Saul at kay Jonathan na kanyang anak, dahil sa bayan ng Panginoon, at sa sambahayan ng Israel, sapagkat sila'y namatay sa pamamagitan ng tabak.
13Sinabi ni David sa binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” At siya'y sumagot, “Ako'y anak ng isang dayuhan, isang Amalekita.”
14Sinabi ni David sa kanya, “Bakit hindi ka natakot na magbuhat ng iyong kamay upang patayin ang hinirang#1:14 o binuhusan ng langis. ng Panginoon?”
15At tinawag ni David ang isa sa mga kabataan at sinabi, “Pumarito ka at patayin mo siya.” At kanyang tinaga siya na kanyang ikinamatay.
16Sinabi ni David sa kanya, “Ang iyong dugo ay mapasaiyong ulo sapagkat ang iyong bibig ang sumaksi laban sa iyo, na nagsasabi, ‘Aking pinatay ang hinirang ng Panginoon.’”
Ang Panaghoy ni David para kina Saul at Jonathan
17Tinangisan ni David ng ganitong panaghoy si Saul at si Jonathan na kanyang anak,
18at#Jos. 10:13 sinabi niyang ito ay dapat ituro sa mga mamamayan ng Juda; nasusulat sa Aklat ni Jaser.#1:18 o Ang Matuwid. Sinabi niya:
19“Ang iyong kaluwalhatian, O Israel ay pinatay sa iyong matataas na dako!
Paano nabuwal ang magigiting!
20Huwag ninyong sabihin sa Gat,
huwag ninyong ibalita sa mga lansangan ng Ascalon;
baka ang mga anak na babae ng mga Filisteo ay magalak,
baka ang mga anak na babae ng mga di-tuli ay magsaya.
21“Kayong mga bundok ng Gilboa,
huwag magkaroon ng hamog, o ulan sa inyo,
kahit masasaganang bukid,
sapagkat doon ang kalasag ng magiting ay narumihan,
ang kalasag ni Saul na hindi binuhusan ng langis.
22“Mula sa dugo ng pinatay,
mula sa taba ng magiting,
ang busog ni Jonathan ay hindi umurong,
ang tabak ni Saul ay hindi bumalik nang walang laman.
23“Sina Saul at Jonathan, minamahal at kaibig-ibig!
Sa buhay at sa kamatayan ay hindi sila nagkahiwalay;
sila'y higit na maliliksi kaysa mga agila,
sila'y higit na malalakas kaysa mga leon.
24“Kayong mga anak na babae ng Israel, iyakan ninyo si Saul,
na sa inyo'y nagbihis ng matingkad na pula,
na siyang naglagay ng palamuting ginto sa inyong mga kasuotan.
25“Paano nabuwal ang magigiting
sa gitna ng labanan!
“Si Jonathan ay patay na nakabulagta sa iyong matataas na dako.
26Ako'y namamanglaw dahil sa iyo, kapatid kong Jonathan;
ikaw ay naging kalugud-lugod sa akin;
ang iyong pagmamahal sa akin ay kahanga-hanga,
higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27“Paano nabuwal ang magigiting,
at nasira ang mga sandatang pandigma!”
Currently Selected:
II SAMUEL 1: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001