ECLESIASTES 10
10
Sari-saring Kasabihan
1Ang mga patay na langaw ay nagpapabaho sa pamahid ng manggagawa ng pabango;
gayon ang munting kahangalan ay sumisira ng karunungan at karangalan.
2Ang puso ng taong matalino ay humihila sa kanya tungo sa kanan,
ngunit ang puso ng hangal ay tungo sa kaliwa.
3Maging kapag ang hangal ay lumalakad sa daan, sa katinuan siya ay kulang,
at kanyang sinasabi sa bawat isa, na siya'y isang hangal.
4Kung ang galit ng pinuno ay bumangon laban sa iyo, huwag kang umalis sa iyong kinalalagyan,
sapagkat ang pagiging mahinahon ay makapagtutuwid sa malalaking kamalian.
5May isang kasamaan na nakita ko sa ilalim ng araw na tila kamalian na nanggagaling sa pinuno:
6ang kahangalan ay nakaupo sa maraming matataas na lugar, at ang mayaman ay umuupo sa mababang dako.
7Nakakita ako ng mga alipin na nakasakay sa mga kabayo, at ng mga pinuno na lumalakad sa lupa na gaya ng mga alipin.
8Siyang#Awit 7:15; Kaw. 26:27 humuhukay ng balon ay mahuhulog doon;
at ang lumulusot sa pader ay kakagatin ng ulupong.
9Ang tumatabas ng mga bato ay masasaktan niyon;
at ang nagsisibak ng kahoy ay nanganganib doon.
10Kung ang bakal ay pumurol, at hindi ihasa ninuman ang talim,
dapat nga siyang gumamit ng higit na lakas;
ngunit ang karunungan ay tumutulong upang ang isang tao'y magtagumpay.
11Kung ang ahas ay kumagat bago mapaamo,
wala ngang kapakinabangan sa nagpapaamo.
12Ang mga salita ng bibig ng matalino ay magbibigay sa kanya ng pakinabang;
ngunit ang mga labi ng hangal ang uubos sa sarili niya.
13Ang pasimula ng mga salita ng kanyang bibig ay kahangalan,
at ang wakas ng kanyang salita ay makamandag na kaululan.
14Sa mga salita, ang hangal ay nagpaparami,
bagaman walang taong nakakaalam kung ano ang mangyayari;
at pagkamatay niya ay sinong makapagsasabi sa kanya ng mangyayari?
15Ang gawa ng hangal ay nagpapahirap sa kanya,
kaya't hindi niya nalalaman ang daan patungo sa lunsod.
16Kahabag-habag ka, O lupain, kapag ang iyong hari ay isang bata,
at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa umaga!
17Mapalad ka, O lupain, kung ang iyong hari ay anak ng mga malalayang tao,
at ang iyong mga pinuno ay nagpipista sa kaukulang panahon
para sa ikalalakas, at hindi sa paglalasing!
18Sa katamaran ay bumabagsak ang bubungan;
at sa di pagkilos ay tumutulo ang bahay.
19Ang tinapay ay ginagawa sa paghalakhak,
at ang alak ay nagpapasaya sa buhay:
at ang salapi ay sumasagot sa lahat ng mga bagay.
20Huwag mong sumpain ang hari kahit sa iyong isipan;
at huwag mong sumpain ang mayaman kahit sa iyong silid tulugan;
sapagkat isang ibon sa himpapawid ang magdadala ng iyong tinig,
at ilang nilalang na may pakpak ang magsasabi ng bagay.
Currently Selected:
ECLESIASTES 10: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001