EXODO 16
16
Ang Israel sa Elim at sa Ilang ng Sin
1Sila'y naglakbay mula sa Elim, at ang buong kapulungan ng bayan ng Israel ay dumating sa ilang ng Sin na nasa pagitan ng Elim at Sinai, nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan, pagkatapos na sila'y umalis sa lupain ng Ehipto.
2Nagreklamo ang buong kapulungan ng bayan ng Israel laban kina Moises at Aaron sa ilang.
3Sinabi ng mga anak ni Israel sa kanila, “Namatay na sana kami sa pamamagitan ng kamay ng Panginoon sa lupain ng Ehipto, nang kami ay maupo sa tabi ng mga palayok ng karne at kumain ng tinapay hanggang sa mabusog; sapagkat kami ay inyong dinala sa ilang na ito upang patayin sa gutom ang buong kapulungang ito.”
4Nang#Jn. 6:31 magkagayo'y sinabi ng Panginoon kay Moises, “Kayo'y aking pauulanan ng tinapay mula sa langit. Lalabas at mamumulot ang taong-bayan araw-araw ng bahagi sa bawat araw upang aking masubok sila, kung sila'y lalakad ayon sa aking kautusan, o hindi.
5Sa ikaanim na araw, kapag sila'y maghahanda ng kanilang dala, iyon ay doble ang dami ng kanilang pinupulot sa araw-araw.”
6At sinabi nina Moises at Aaron sa lahat ng mga anak ni Israel, “Pagsapit ng gabi, inyong malalaman na ang Panginoon ang siyang naglabas sa inyo sa lupain ng Ehipto,
7at sa kinaumagahan ay inyong makikita ang kaluwalhatian ng Panginoon, sapagkat kanyang naririnig ang inyong mga pagrereklamo laban sa Panginoon. Sapagkat ano kami, na nagrereklamo kayo sa amin?”
8Sinabi ni Moises, “Kapag binigyan kayo ng Panginoon sa pagsapit ng gabi ng karneng makakain, at sa kinaumagahan ay ng pagkaing makakabusog, sapagkat naririnig ng Panginoon ang inyong mga pagrereklamo na inyong sinasabi laban sa kanya, at ano kami? Ang inyong mga pagrereklamo ay hindi laban sa amin, kundi laban sa Panginoon.”
9Sinabi ni Moises kay Aaron, “Sabihin mo sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, ‘Lumapit kayo sa harap ng Panginoon, sapagkat kanyang narinig ang inyong mga reklamo.’”
10Pagkatapos magsalita si Aaron sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, sila'y tumingin sa dakong ilang, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa ulap.
11Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises,
12“Aking narinig ang mga reklamo ng mga anak ni Israel; sabihin mo sa kanila, ‘Pagsapit ng gabi ay kakain kayo ng karne, at kinaumagahan ay magpapakabusog sa tinapay; at inyong makikilala na ako ang Panginoon ninyong Diyos.’”
Ang Pugo at Manna ay Ipinagkaloob
13Nang sumapit na ang gabi, ang mga pugo ay umahon at tinakpan ang kampo at sa kinaumagahan ay nakalatag sa palibot ng kampo ang hamog.
14Nang pumaitaas na ang hamog, may nakalatag sa ibabaw ng ilang na munting bagay na bilog at kasinliit ng namuong hamog sa ibabaw ng lupa.
15Nang#1 Cor. 10:3 makita ito ng mga anak ni Israel ay sinabi nila sa isa't isa, “Ano ito?” Sapagkat hindi nila alam kung ano iyon. At sinabi ni Moises sa kanila, “Ito ang tinapay na ibinigay ng Panginoon sa inyo upang kainin.
16Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Pumulot ang bawat tao ayon sa kanyang kailangan, isang omer para sa bawat tao ayon sa bilang ng mga tao, na mayroon ang bawat isa sa kanilang mga tolda.’”
17Gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, may namulot nang marami at may kaunti.
18Subalit#2 Cor. 8:15 nang sukatin nila ito sa omer, ang namulot ng marami ay walang lumabis, at ang namulot ng kaunti ay hindi kinulang; bawat tao ay pumulot ng ayon sa kanyang kailangan.
19Sinabi ni Moises sa kanila, “Sinuman ay huwag magtira niyon hanggang sa umaga.”
20Gayunma'y hindi sila nakinig kay Moises; kundi ang iba sa kanila ay nagtira niyon hanggang sa umaga. Inuod at bumaho iyon, at nagalit sa kanila si Moises.
Ang Pamumulot ng Manna
21Sila'y namumulot tuwing umaga, bawat tao ayon sa kanyang kailangan, ngunit kapag ang araw ay umiinit na, ito ay natutunaw.
22Nang ikaanim na araw, pumulot sila ng pagkain na doble ang dami, dalawang omer sa bawat isa, at lahat ng pinuno ng kapulungan ay naparoon at sinabi kay Moises.
23Kanyang#Exo. 20:8-11 sinabi sa kanila, “Ito ang iniutos ng Panginoon, ‘Bukas ay taimtim na pagpapahinga, banal na Sabbath sa Panginoon. Lutuin ninyo ang inyong lulutuin, at pakuluan ninyo ang inyong pakukuluan; at lahat ng lalabis ay itago ninyo, inyong ititira hanggang sa kinabukasan.’”
24At kanilang itinago hanggang sa kinaumagahan, gaya ng iniutos sa kanila ni Moises; at hindi ito bumaho, at hindi nagkaroon ng uod.
25Sinabi ni Moises, “Kainin ninyo ito ngayon; sapagkat ngayo'y Sabbath para sa Panginoon, ngayo'y hindi kayo makakakita nito sa parang.
26Anim na araw kayong mamumulot nito, ngunit sa ikapitong araw na siyang Sabbath, ay hindi magkakaroon nito.”
27Sa ikapitong araw, lumabas ang iba sa bayan upang mamulot ngunit wala silang natagpuan.
28Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ninyo tatanggihang tuparin ang aking mga utos at ang aking mga batas?
29Tingnan ninyo, ibinigay sa inyo ng Panginoon ang Sabbath, kaya't kanyang ibinibigay sa inyo sa ikaanim na araw ang pagkain na para sa dalawang araw; manatili ang bawat tao sa kanyang kinaroroonan, huwag umalis ang sinuman sa kanyang kinaroroonan, sa ikapitong araw.”
30Kaya ang taong-bayan ay nagpahinga sa ikapitong araw.
31Iyon#Bil. 11:7, 8 ay pinangalanan ng sambahayan ng Israel na manna, at iyon ay tulad ng buto ng kulantro, maputi at ang lasa niyon ay tulad ng manipis na tinapay na may pulot.
32Sinabi ni Moises, “Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon, ‘Magtabi kayo ng isang omer ng manna na inyong itatago sa buong panahon ng inyong mga salinlahi, upang kanilang makita ang tinapay na aking ipinakain sa inyo sa ilang nang kayo'y aking ilabas sa lupain ng Ehipto.’”
33Sinabi#Heb. 9:4 ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang palayok at lagyan mo ng isang omer na punô ng manna, at ilagay mo sa harap ng Panginoon upang maingatan sa buong panahon ng inyong mga salinlahi.”
34Kung paanong iniutos ng Panginoon kay Moises ay gayon inilagay ni Aaron sa harap ng tipan#16:34 o patotoo. upang ingatan.
35Ang#Jos. 5:12 mga anak ni Israel ay kumain ng manna sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa sila'y dumating sa lupaing matitirahan. Sila'y kumain ng manna hanggang sa sila'y dumating sa mga hangganan ng lupain ng Canaan.
36Ang isang omer#16:36 Isang omer ay dalawang litro. ay ikasampung bahagi ng isang efa.
Currently Selected:
EXODO 16: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001