EXODO 17
17
Ang Tubig mula sa Bato sa Refidim
(Bil. 20:1-13)
1Ang#Bil. 20:2-13 buong kapulungan ng mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa ilang ng Sin, ayon sa mga lugar na kanilang nilakbay sa utos ng Panginoon, at nagkampo sa Refidim; at walang tubig na mainom ang taong-bayan.
2Kaya't ang taong-bayan ay nakipagtalo kay Moises at nagsabi, “Bigyan mo kami ng tubig na maiinom.” At sinabi ni Moises sa kanila, “Bakit kayo nakikipagtalo sa akin? Bakit ninyo sinusubok ang Panginoon?”
3Subalit ang taong-bayan ay nauhaw roon at sila ay nagreklamo laban kay Moises at sinabi, “Bakit mo kami inilabas mula sa Ehipto, upang patayin mo sa uhaw, kami, ang aming mga anak, at ang aming kawan?”
4Kaya't si Moises ay dumaing sa Panginoon, na nagsasabi, “Anong aking gagawin sa bayang ito? Kulang na lamang ay batuhin nila ako.”
5Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Dumaan ka sa harap ng taong-bayan, at isama mo ang matatanda ng Israel; at dalhin mo ang tungkod na iyong ipinalo sa ilog, at humayo ka.
6Ako'y tatayo sa harap mo roon sa ibabaw ng bato sa Horeb; at iyong hahampasin ang bato, at bubukalan ito ng tubig, upang ang bayan ay makainom.” At gayon ang ginawa ni Moises sa paningin ng matatanda sa Israel.
7Tinawag niya ang pangalan ng dakong iyon na Massah at Meriba, dahil sa pakikipagtalo ng mga anak ni Israel, at dahil kanilang sinubok ang Panginoon, na kanilang sinasabi, “Ang Panginoon ba'y nasa kalagitnaan natin o wala?”
Pakikipaglaban kay Amalek
8Nang magkagayo'y dumating si Amalek at nakipaglaban sa Israel sa Refidim.
9Sinabi ni Moises kay Josue, “Pumili ka para sa atin ng mga lalaki, lumabas ka at lumaban kay Amalek. Bukas ay tatayo ako sa taluktok ng burol na hawak ang tungkod ng Diyos sa aking kamay.”
10Ginawa ni Josue ang sinabi ni Moises sa kanya, at nakipaglaban kay Amalek; at sina Moises, Aaron at Hur ay umakyat sa tuktok ng burol.
11Kapag itinataas ni Moises ang kanyang kamay ay nananalo ang Israel; at kapag kanyang ibinababa ang kanyang kamay ay nananalo ang Amalek.
12Subalit ang mga kamay ni Moises ay nangalay, kaya't sila'y kumuha ng isang bato at inilagay sa ibaba, at kanyang inupuan. Inalalayan nina Aaron at Hur ang kanyang mga kamay, ang isa'y sa isang panig, at ang isa'y sa kabilang panig; at ang kanyang mga kamay ay nanatili sa itaas hanggang sa paglubog ng araw.
13Nilupig ni Josue si Amalek at ang bayan nito sa pamamagitan ng talim ng tabak.
14Sinabi#Deut. 25:17-19; 1 Sam. 15:2-9 ng Panginoon kay Moises, “Isulat mo ito bilang alaala sa isang aklat, at basahin mo ito sa pandinig ni Josue na aking lubusang buburahin ang alaala ni Amalek sa ilalim ng langit.”
15Nagtayo si Moises ng isang dambana at pinangalanan ito ng, Ang Panginoon ay aking watawat.#17:15 Sa Hebreo ay Yahweh-nissi.
16Kanyang sinabi, “May kamay sa watawat ng Panginoon. Ang Panginoon ay makikipagdigma kay Amalek mula sa isang salinlahi hanggang sa susunod na salinlahi.”
Currently Selected:
EXODO 17: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001