ISAIAS 6
6
Ang Pagkatawag kay Isaias
1Noong#2 Ha. 15:7; 2 Cro. 26:23 taong mamatay si Haring Uzias ay nakita ko ang Panginoon na nakaupo sa isang tronong matayog at mataas; at napuno ang templo ng laylayan ng kanyang damit.
2Sa itaas niya ay nakatayo ang mga serafin; bawat isa'y may anim na pakpak; may dalawang nakatakip sa kanyang mukha, may dalawa na nakatakip sa kanyang mga paa, at may dalawa na naglilipad sa kanya.
3At#Apoc. 4:8 tinawag ng isa ang isa at sinabi:
“Banal, banal, banal ang Panginoon ng mga hukbo;
ang buong lupa ay punô ng kanyang kaluwalhatian.”
4At#Apoc. 15:8 ang mga pundasyon ng mga pintuan ay nayanig sa tinig ng sumisigaw, at ang bahay ay napuno ng usok.
5Nang magkagayo'y sinabi ko: “Kahabag-habag ako! Ako'y napahamak sapagkat ako'y lalaking may maruruming labi, at ako'y naninirahan sa gitna ng bayan na may maruruming labi; sapagkat nakita ng aking mga mata ang Hari, ang Panginoon ng mga hukbo!”
6Nang magkagayo'y lumipad papalapit sa akin ang isa sa mga serafin na may baga sa kanyang kamay na kanyang kinuha ng mga sipit mula sa dambana.
7Inilapat niya ito sa aking bibig, at nagsabi, “Ngayong lumapat ito sa iyong mga labi, ang iyong kasamaan ay naalis na, at ang iyong kasalanan ay pinatawad na.”
8At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo'y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”
9At#Mt. 13:14, 15; Mc. 4:12; Lu. 8:10; Jn. 12:40; Gw. 28:26, 27 sinabi niya, “Ikaw ay humayo, at sabihin mo sa bayang ito:
‘Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain;
patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin!’
10Patabain mo ang puso ng bayang ito,
at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig,
at iyong ipikit ang kanilang mga mata;
baka sila'y makakita ng kanilang mga mata,
at makarinig ng kanilang mga tainga,
at makaunawa ng kanilang puso,
at magbalik-loob, at magsigaling.”
11Nang magkagayo'y sinabi ko, “O Panginoon, hanggang kailan?”
At siya'y sumagot:
“Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba
na walang naninirahan,
at ang mga bahay ay mawalan ng tao,
at ang lupain ay maging lubos na mawasak,
12at ilayo ng Panginoon ang mga tao,
at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain.
13At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon,
muli itong susunugin,
gaya ng isang roble o isang ensina,
na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol.”
Ang banal na binhi ang siyang tuod niyon.
Currently Selected:
ISAIAS 6: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001