MGA HUKOM 10
10
Si Tola at si Jair
1Pagkatapos ni Abimelec, bumangon upang iligtas ang Israel si Tola na anak ni Pua, na anak ni Dodo, na lalaking mula sa Isacar; at siya'y nanirahan sa Samir sa lupaing maburol ng Efraim.
2Siya'y naghukom sa Israel ng dalawampu't tatlong taon; pagkatapos siya'y namatay at inilibing sa Samir.
3Pagkatapos niya'y bumangon si Jair na Gileadita; na naghukom sa Israel nang dalawampu't dalawang taon.
4Siya'y may tatlumpung anak na lalaki na sumasakay sa tatlumpung asno, at sila'y may tatlumpung lunsod na tinatawag na Havot-jair hanggang sa araw na ito, na nasa lupain ng Gilead.
5At namatay si Jair at inilibing sa Camon.
Ang Israel ay Muling Tumalikod sa Diyos
6Ginawa uli ng mga anak ni Israel ang kasamaan sa paningin ng Panginoon, at naglingkod sa mga Baal, kay Astarte, sa mga diyos ng Siria, Sidon, Moab, ng mga Ammonita at sa mga diyos ng mga Filisteo; at pinabayaan nila ang Panginoon at hindi naglingkod sa kanya.
7Kaya't ang galit ng Panginoon ay nagningas laban sa Israel, at kanyang ipinagbili sila sa kamay ng mga Filisteo at ng mga anak ni Ammon.
8Kanilang pinahirapan at inapi ang mga anak ni Israel nang taong iyon. Labingwalong taon nilang pinahirapan ang lahat ng mga anak ni Israel na nasa dako roon ng Jordan sa lupain ng mga Amoreo, na nasa Gilead.
9Ang mga anak ni Ammon ay tumawid sa Jordan upang labanan din ang Juda, ang Benjamin, at ang sambahayan ni Efraim; anupa't ang Israel ay lubhang nahirapan.
10Kaya't dumaing ang mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala laban sa iyo, sapagkat aming pinabayaan ang aming Diyos, at kami ay naglingkod sa mga Baal.”
11At sinabi ng Panginoon sa mga anak ni Israel, “Hindi ba't iniligtas ko kayo mula sa mga Ehipcio, sa mga Amoreo, sa mga anak ni Ammon, at sa mga Filisteo?
12Gayundin ang mga Sidonio, mga Amalekita, at ang mga Maonita ay nagpahirap sa inyo. Kayo'y dumaing sa akin, at iniligtas ko kayo sa kanilang mga kamay.
13Gayunma'y pinabayaan ninyo ako, at kayo'y naglingkod sa ibang mga diyos, kaya't hindi ko na kayo ililigtas.
14Humayo kayo at dumaing sa mga diyos na inyong pinili; hayaang iligtas nila kayo sa panahon ng inyong kapighatian.”
15At sinabi ng mga anak ni Israel sa Panginoon, “Kami ay nagkasala. Gawin mo sa amin ang anumang gusto mo, iligtas mo lamang kami sa araw na ito.”
16Kaya't kanilang inalis sa kanila ang ibang mga diyos, at naglingkod sa Panginoon at ang kanyang kaluluwa ay nagdalamhati dahil sa kapighatian ng Israel.
17Pagkatapos ang mga anak ni Ammon ay nagtipon, at nagkampo sa Gilead. At ang mga anak ni Israel ay nagtitipon, at nagkampo sa Mizpa.
18Ang taong-bayan, at ang mga pinuno sa Gilead ay nag-usap, “Sino ang lalaking magpapasimulang lumaban sa mga anak ni Ammon? Siya'y magiging pinuno sa lahat ng taga-Gilead.”
Currently Selected:
MGA HUKOM 10: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001