MGA HUKOM 11
11
Si Jefta ay Ginawang Pinuno
1Si Jefta na Gileadita ay isang malakas na mandirigma, ngunit siya'y anak ng isang upahang babae.#11:1 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. Si Gilead ang ama ni Jefta.
2Ang asawa ni Gilead ay nagkaanak sa kanya ng mga lalaki. Nang lumaki ang mga anak ng kanyang asawa ay kanilang pinalayas si Jefta, at sinabi nila sa kanya, “Ikaw ay hindi magmamana sa sambahayan ng aming ama sapagkat ikaw ay anak ng ibang babae.”
3Nang magkagayo'y tumakas si Jefta sa kanyang mga kapatid, at tumira sa lupain ng Tob. Doon ay nakasama ni Jefta ang mga lalaking bandido at sumasalakay na kasama niya.
4Pagkaraan ng ilang panahon, ang mga anak ni Ammon ay nakipagdigma sa Israel.
5Nang lumaban ang mga anak ni Ammon sa Israel, ang mga matanda sa Gilead ay naparoon upang sunduin si Jefta mula sa lupain ng Tob.
6At kanilang sinabi kay Jefta, “Halika't ikaw ang maging pinuno namin upang kami ay makalaban sa mga anak ni Ammon.”
7Subalit sinabi ni Jefta sa matatanda sa Gilead, “Di ba kayo'y napoot sa akin at pinalayas ninyo ako sa bahay ng aking ama? Kung gayo'y bakit kayo naparito sa akin ngayong kayo'y nasa paghihirap?”
8At sinabi ng matatanda sa Gilead kay Jefta, “Kaya kami ay bumabalik sa iyo ngayon ay upang makasama ka namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pinuno naming lahat na taga-Gilead.”
9Sinabi ni Jefta sa mga matanda sa Gilead, “Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay sila ng Panginoon sa harap ko, magiging pinuno ba ninyo ako?”
10At sinabi kay Jefta ng matatanda sa Gilead, “Ang Panginoon ang maging saksi natin. Tiyak na aming gagawin ang ayon sa iyong salita.”
11Kaya't si Jefta ay umalis na kasama ng matatanda sa Gilead, at ginawa nila siyang pinuno at sinabi ni Jefta sa Mizpa ang lahat ng kanyang salita sa harap ng Panginoon.
Ang Sugo sa Hari ng Ammon
12At nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, “Anong mayroon ka laban sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?”
13Sinagot ng hari ng mga anak ni Ammon ang mga sugo ni Jefta, “Sapagkat sinakop ng Israel ang aking lupain nang siya'y umahon galing sa Ehipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan. Kaya't ngayo'y isauli mo nang payapa ang mga lupaing iyon.”
14Muling nagpadala si Jefta ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon.
15At kanyang sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Jefta, Hindi inagaw ng Israel ang lupain ng Moab, o ang lupain ng mga anak ni Ammon;
16kundi nang sila'y umahon mula sa Ehipto, ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Pula, at dumating sa Kadesh,
17Nagpadala#Bil. 20:14-21 noon ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, ‘Ipinapakiusap ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain,’ ngunit hindi ito pinakinggan ng hari ng Edom. Nagsugo siya sa hari ng Moab. Ngunit tumanggi siya at ang Israel ay tumahan sa Kadesh.
18Nang#Bil. 21:4 magkagayo'y naglakad sila sa ilang at lumigid sa lupain ng Edom at Moab. Dumaan sila sa dakong silangan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon, ngunit hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab sapagkat ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab.
19Nagpadala#Bil. 21:21-24 noon ang Israel ng mga sugo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kanya, ‘Ipinapakiusap namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aming dakong patutunguhan.’
20Ngunit si Sihon ay hindi nagtiwala na paraanin ang Israel sa kanyang nasasakupan, kaya't pinisan ni Sihon ang kanyang buong bayan, at nagkampo sa Jahaz, at lumaban sa Israel.
21At ibinigay ng Panginoon, ng Diyos ng Israel si Sihon at ang kanyang buong bayan sa kamay ng Israel, at kanilang tinalo sila. Sa gayo'y inangkin ng Israel ang buong lupain ng mga Amoreo na nanirahan sa lupaing iyon.
22Kanilang inangkin ang buong nasasakupan ng mga Amoreo, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at mula sa ilang hanggang sa Jordan.
23Kaya ngayon ang ari-arian ng mga Amoreo sa harap ng bayang Israel ay inalis ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, at iyo bang aariin ang mga iyan?
24Hindi mo ba aangkinin upang maging sa iyo ang ibinigay sa iyo ni Cemos na iyong diyos? Kaya sinumang inalisan ng Panginoon naming Diyos ng ari-arian sa harap namin ay aming aangkinin.
25At#Bil. 22:1-6 ngayo'y mas magaling ka pa ba sa anumang paraan kay Balak na anak ni Zipor, na hari sa Moab? Siya ba'y nakipagdigma kailanman sa Israel o lumaban kaya sa kanila?
26Samantalang ang Israel ay naninirahan ng tatlong daang taon sa Hesbon at sa mga nayon nito, sa Aroer at sa mga nayon nito, at sa lahat ng mga bayang nasa pampang ng Arnon, bakit hindi ninyo binawi ang mga iyon sa loob ng panahong iyon?
27Hindi ako ang nagkasala laban sa iyo, kundi ikaw ang gumagawa ng masama sa pamamagitan ng pakikidigma mo sa akin. Ang Panginoon, na siyang Hukom ang hahatol sa araw na ito sa mga anak ni Israel at sa mga anak ni Ammon.”
28Ngunit hindi dininig ng hari ng mga Ammonita ang mga salita ni Jefta na ipinaabot sa kanya.
Ang Pagtatagumpay at ang Panata ni Jefta
29Pagkatapos ang Espiritu ng Panginoon ay dumating kay Jefta, at siya'y nagdaan sa Gilead at Manases, at nagdaan sa Mizpa ng Gilead, at mula sa Mizpa ng Gilead ay nagdaan siya sa mga Ammonita.
30At nagbitaw si Jefta ng isang panata sa Panginoon, at nagsabi, “Kung iyong ibibigay ang mga Ammonita sa aking kamay,
31ay mangyayari na sinumang lumabas sa mga pintuan ng aking bahay upang sumalubong sa akin, sa aking pagbalik na mapayapa galing sa mga anak ni Ammon ay magiging sa Panginoon, at iaalay ko iyon bilang handog na sinusunog.”
32Sa gayo'y tinawid ni Jefta ang mga anak ni Ammon upang lumaban sa kanila; at sila'y ibinigay ng Panginoon sa kanyang kamay.
33Sila'y pinagpapatay niya mula sa Aroer hanggang sa Minit, na may dalawampung lunsod, at hanggang sa Abel-keramim. Sa gayo'y nagapi ang mga anak ni Ammon sa harap ng mga anak ni Israel.
34Pagkatapos si Jefta ay umuwi sa kanyang bahay sa Mizpa. Ang kanyang anak na babae ay lumabas upang salubungin siya ng alpa at ng sayaw. Siya ang kanyang kaisa-isang anak at liban sa kanya'y wala na siyang anak na lalaki o babae man.
35Pagkakita#Bil. 30:2 niya sa kanya, kanyang pinunit ang kanyang damit at sinabi, “Anak ko! Pinababa mo akong lubos, at ikaw ay isa sa mga bumabagabag sa akin; sapagkat gumawa na ako ng panata sa Panginoon, at hindi ko na mababawi.”
36At sinabi niya sa kanya, “Ama ko, kung iyong ibinuka ang iyong bibig sa Panginoon, gawin mo sa akin ang ayon sa lumabas sa iyong bibig; yamang ipinaghiganti ka ng Panginoon sa iyong mga kaaway, samakatuwid ay sa mga Ammonita.”
37Sinabi niya sa kanyang ama, “Hayaan mong gawin ang bagay na ito sa akin. Hayaan mo lamang ako ng dalawang buwan, upang ako'y humayo't gumala sa mga bundok at tangisan ko at ng aking mga kasama ang aking pagkabirhen.”
38At kanyang sinabi, “Humayo ka.” At siya'y kanyang pinaalis nang dalawang buwan. Siya at ang kanyang mga kasama ay umalis, at tinangisan ang kanyang pagkabirhen sa mga bundok.
39Sa katapusan ng dalawang buwan, siya'y nagbalik sa kanyang ama, at ginawa sa kanya ang ayon sa kanyang panata na kanyang binitiwan. Siya'y hindi kailanman nasipingan ng lalaki. At naging kaugalian sa Israel,
40na ang mga anak na babae ng Israel ay pumupunta taun-taon upang alalahanin ang anak ni Jefta na Gileadita, apat na araw sa loob ng isang taon.
Currently Selected:
MGA HUKOM 11: ABTAG01
Highlight
Share
Copy
Want to have your highlights saved across all your devices? Sign up or sign in
©Philippine Bible Society, 2001