GENESIS 7

7
Ang Baha
1At sinabi ng Panginoon kay Noe, “Ikaw at ang iyong buong sambahayan ay sumakay sa daong sapagkat nakita kong ikaw lamang ang matuwid sa harap ko sa lahing ito.
2Kumuha ka ng tigpipito sa bawat malinis na hayop, lalaki at babae; at dalawa sa mga hayop na hindi malinis, lalaki at babae.
3Kumuha ka ng tigpipito sa mga ibon sa himpapawid, lalaki at babae; upang panatilihing buháy ang kanilang uri sa ibabaw ng lupa.
4Sapagkat pagkaraan ng pitong araw, magpapaulan ako sa ibabaw ng lupa ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Aking pupuksain ang lahat ng may buhay na aking nilikha sa balat ng lupa.”
5At ginawa ni Noe ang ayon sa lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
6Si Noe ay animnaraang taon nang ang baha ng tubig ay dumating sa lupa.
7At#Mt. 24:38, 39; Lu. 17:27 sumakay sa daong si Noe at ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak upang umiwas sa tubig ng baha.
8Sa mga hayop na malinis, at sa mga hayop na hindi malinis, at sa mga ibon at sa bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa,
9ay dala-dalawa, lalaki at babae, pumasok sa daong kasama ni Noe, ayon sa iniutos ng Diyos kay Noe.
Pagbuhos ng Baha
10Pagkaraan ng pitong araw, ang tubig ng baha ay umapaw sa lupa.
11Sa#2 Ped. 3:6 ikaanimnaraang taon ng buhay ni Noe, sa ikalabimpitong araw ng ikalawang buwan, nang araw na iyon, umapaw ang lahat ng bukal mula sa malaking kalaliman, at ang mga bintana ng langit ay nabuksan.
12Umulan sa ibabaw ng lupa sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi.
13Nang araw ding iyon, pumasok sa daong si Noe, sina Sem, Ham, at Jafet na mga anak ni Noe, ang asawa ni Noe, at ang tatlong asawa ng kanyang mga anak na kasama nila,
14sila, at bawat mailap na hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat maamong hayop ayon sa kani-kanilang uri, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa ayon sa kanilang uri, at bawat ibon ayon sa kanilang uri, lahat ng sari-saring ibon.
15Sila'y sumakay sa daong, kasama ni Noe, dala-dalawa ang lahat ng hayop na may hininga ng buhay.
16Ang mga sumakay ay lalaki at babae ng lahat ng laman, pumasok sila gaya ng iniutos sa kanya ng Diyos. At siya'y ikinulong ng Panginoon sa loob.
17Tumagal ang baha ng apatnapung araw sa ibabaw ng lupa. Lumaki ang tubig at lumutang ang daong, at ito'y tumaas sa ibabaw ng lupa.
18Dumagsa ang tubig at lumaki nang husto sa ibabaw ng lupa, at lumutang ang daong sa ibabaw ng tubig.
19At dumagsa ang tubig sa ibabaw ng lupa at inapawan ang lahat ng matataas na mga bundok na nasa silong ng langit.
20Ang tubig ay umapaw sa mga bundok sa taas na labinlimang siko.
21At namatay ang lahat ng laman na gumagalaw sa ibabaw ng lupa: ang mga ibon, mga maamong hayop, mga mailap na hayop, bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao.
22Ang bawat may hininga ng buhay sa kanilang ilong na nasa lupang tuyo ay namatay.
23Namatay ang bawat may buhay na nasa ibabaw ng lupa: ang tao, hayop, ang mga gumagapang, at ang mga ibon sa himpapawid. Sila'y nalipol sa lupa. Tanging si Noe at ang mga kasama niya sa daong ang nalabi.
24Tumagal ang tubig sa ibabaw ng lupa ng isandaan at limampung araw.

Chwazi Kounye ya:

GENESIS 7: ABTAG01

Pati Souliye

Pataje

Kopye

None

Ou vle gen souliye ou yo sere sou tout aparèy ou yo? Enskri oswa konekte