Kayong mga babae, magpasakop kayo sa asawa ninyo, upang kung ang asawa ninyoʼy hindi pa naniniwala sa salita ng Dios, maaaring madala nʼyo sila sa Panginoon sa pamamagitan ng mabuti ninyong pag-uugali kahit na hindi kayo magsalita. Sapagkat nakikita nilang may takot kayo sa Dios at malinis ang pamumuhay ninyo. Kung gusto ninyong maging maganda, huwag sa panlabas lang tulad ng pag-aayos nʼyo ng buhok na nilalagyan ng mamahaling alahas, at pagsusuot ng mamahaling damit. Sa halip, pagandahin ninyo ang inyong kalooban, ang mabuting pag-uugali na hindi nagbabago. Maging mahinhin kayo at maging mabait. Ito ang mahalaga sa paningin ng Dios. At ito ang ginagawa ng mga babaeng banal noong unang panahon. Nagpapaganda sila sa pamamagitan ng pagpapasakop nila sa kanilang asawa. Katulad ni Sara, sinunod niya si Abraham at tinawag pa niyang “panginoon.” Mga anak na kayo ni Sara, kaya dapat matuwid ang ginagawa nʼyo, at huwag kayong matakot sa kahit anuman. Kayo namang mga lalaki, pakisamahan ninyong mabuti ang inyong asawa, dahil ito ang nararapat bilang isang Cristiano. Igalang nʼyo sila bilang mga babaeng mas mahina kaysa sa inyo, dahil binigyan din sila ng Dios ng buhay na walang hanggan katulad ninyo. Kapag ginawa nʼyo ito, sasagutin ng Dios ang mga panalangin ninyo. Ngayon, narito ang ilan ko pang bilin sa inyong lahat: Dapat magkaisa kayo sa isip at damdamin, at magdamayan. Magmahalan kayo bilang magkakapatid. Maging maunawain at mapagpakumbaba kayo sa isaʼt isa. Huwag ninyong gantihan ng masama ang gumagawa sa inyo ng masama, at huwag din ninyong gantihan ng pang-iinsulto ang mga nang-iinsulto sa inyo. Ang dapat ninyong gawin ay manalangin na kaawaan sila ng Dios, dahil pinili kayo ng Dios na gawin ito, at para kaawaan din niya kayo.
Basahin 1 Pedro 3
Makinig sa 1 Pedro 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Pedro 3:1-9
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas