1 Samuel 11
11
Iniligtas ni Saul ang Lungsod ng Jabes
1Nang panahong iyon, pinaligiran ni Nahash na hari ng mga Ammonita at ng mga kasama niyang sundalo ang lungsod ng Jabes Gilead. At sinabi ng mga mamamayan ng Jabes sa kanya, “Gumawa kayo ng kasunduan sa amin at magpapasakop kami sa inyo.” 2Sumagot si Nahash, “Payag ako, sa isang kundisyon. Dudukitin ko ang kanang mata ng bawat isa sa inyo para mapahiya ang buong Israel.” 3Sinabi ng mga tagapamahala ng Jabes, “Bigyan mo kami ng pitong araw para maikalat ang mensaheng ito sa buong Israel. Kung walang tulong na darating sa amin, susuko kami sa inyo.”
4Dumating ang mga mensahero sa Gibea, kung saan nakatira si Saul. Nang sabihin nila sa mga tao ang sinabi ni Nahash, humagulgol ang lahat. 5Nang oras na iyon, pauwi si Saul galing sa bukid niya na hinihila ang kanyang mga baka. Nang marinig niya ang iyakan, nagtanong siya, “Ano ang nangyari? Bakit nag-iiyakan ang mga tao?” Kaya sinabi ng mga tao sa kanya ang mensahe ng mga taga-Jabes. 6Nang marinig ito ni Saul, napuspos siya ng Espiritu ng Dios at nagalit siya nang matindi. 7Kumuha siya ng dalawang baka at pinaghihiwa niya ito. Pagkatapos, ibinigay niya ito sa mga mensahero. Inutusan niya ang mga ito na pumunta sa buong lupain ng Israel at sabihin sa mga tao, “Ganito ang mangyayari sa baka ng mga hindi sasama kina Saul at Samuel sa pakikidigma.” Niloob ng Panginoon na magkaroon ng takot ang mga Israelita kay Saul, kaya sumama sila sa kanya. 8Tinipon sila ni Saul sa Bezek; 300,000 ang galing sa Israel at 30,000 ang galing sa Juda. 9Sinabi nila sa mga mensahero ng Jabes Gilead, “Sabihin ninyo sa mga kababayan ninyo, bukas ng tanghali, maliligtas kayo.” Nang sabihin ito ng mga mensahero sa mga kababayan nila, tuwang-tuwa ang lahat. 10At sinabi nila sa mga Ammonita, “Bukas susuko kami sa inyo at gawin ninyo sa amin kung ano ang gusto ninyo.”
11Kinabukasan, madaling-araw pa lang ay hinati na ni Saul sa tatlong grupo ang kanyang hukbo. Nang mag-umaga na, sinalakay nila ang kampo ng mga Ammonita at pinatay silang lahat hanggang tanghali. Ang mga natirang buhay ay nagsitakas.
12Pagkatapos ng digmaan, sinabi ng mga Israelita kay Samuel, “Sinu-sino ang mga nagsasabing hindi natin dapat maging hari si Saul? Dalhin ninyo sila sa amin at papatayin namin sila.”
13Pero sinabi ni Saul, “Walang papatayin ni isa man sa araw na ito, dahil ngayon ay iniligtas ng Panginoon ang Israel.” 14Sinabi ni Samuel sa mga tao, “Pupunta tayo sa Gilgal at muli nating ipahayag si Saul bilang hari natin.” 15Kaya pumunta silang lahat sa Gilgal at pinagtibay ang pagiging hari ni Saul sa presensya ng Panginoon. Nag-alay sila roon ng mga handog para sa mabuting relasyon, at nagkaroon sila ng malaking pagdiriwang.
Kasalukuyang Napili:
1 Samuel 11: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.