1 Samuel 21
21
Pumunta si David sa Nob
1Pumunta si David sa Nob at tumuloy kay Ahimelec na siyang pari sa Nob. Nanginig sa takot si Ahimelec nang makita si David. Nagtanong siya, “Bakit nag-iisa ka lang?”
2Sumagot si David, “May iniutos sa akin ang hari, at pinagbilinan niya ako na huwag ipagsasabi kahit kanino ang pakay ko rito. Ang mga tauhan ko namaʼy sinabihan ko na magkita-kita na lang kami sa isang lugar. 3May pagkain ka ba rito? Bigyan mo ako ng limang tinapay o kahit anong mayroon ka.”
4Sumagot ang pari, “Wala na akong ordinaryong tinapay. Ngunit mayroon ako ritong tinapay na inihandog. Maaari ko itong ibigay sa iyo at sa mga tauhan mo kung hindi sila sumiping sa kahit sinong babae nitong mga lumipas na araw.”
5Sumagot si David, “Hindi kami sumisiping sa mga babae kapag may misyon kami. Kahit na ordinaryong misyon lang ang gagawin namin, kailangang malinis#21:5 malinis: Ang ibig sabihin, karapat-dapat sa seremonya ng kanilang relihiyon. kami. Ano pa kaya ngayon na mahalaga ang misyong ito.” 6At dahil nga walang ordinaryong tinapay, ibinigay sa kanya ng pari ang tinapay na inihandog sa presensya Panginoon. Itoʼy kinuha mula sa banal na mesa at pinalitan ng bagong tinapay nang araw ding iyon.
7Nang araw na iyon, naroon ang alipin ni Saul na si Doeg na taga-Edom. Siya ang punong tagapangalaga ng mga hayop ni Saul. Naroon siya dahil may tinutupad siyang panata sa Panginoon.
8Tinanong ni David si Ahimelec, “Mayroon ka bang espada o sibat dito? Hindi ako nakapagdala ng espada o anumang armas dahil madalian ang utos ng hari.”
9Sumagot ang pari, “Narito ang espada ng Filisteong si Goliat na pinatay mo sa Lambak ng Elah. Nakabalot ito sa tela at nasa likod ng espesyal na damit#21:9 espesyal na damit: Sa Hebreo, “efod.” ng mga pari. Kunin mo kung gusto mo. Wala nang iba pang espada rito kundi iyon lang.” Sinabi ni David, “Ibigay mo iyon sa akin. Wala nang ibang kapareho iyon.”
Pumunta si David sa Gat
10Nang araw na iyon, tumakas si David kay Saul, at pumunta kay Haring Aquis ng Gat. 11Sinabi ng mga opisyal ng hari sa kanya, “Hindi baʼt ito si David ang naghahari sa lugar nila? Hindi baʼt siya ang pinararangalan ng mga kababaihan habang sumasayaw sila at umaawit ng,
‘Libo-libo ang napatay ni Saul,
tig-sasampung libo naman ang kay David?’ ”
12Inisip ni David ang sinabi nila, at natakot siya sa maaaring gawin sa kanya ni Haring Aquis ng Gat. 13Kaya nagkunwari siyang baliw, at pinagkakalmot niya ang mga dingding ng lungsod at pinatulo ang laway niya sa kanyang balbas.
14Sinabi ni Aquis sa kanyang mga opisyal, “Tingnan nʼyo! Baliw ang taong ito! Bakit ninyo siya dinala sa akin? 15Marami na ang baliw na gaya niya rito. Bakit nʼyo pa dinala sa pamamahay ko ang taong iyan para umasal nang ganyan sa aking harapan?”
Kasalukuyang Napili:
1 Samuel 21: ASD
Haylayt
Ibahagi
Paghambingin
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Biblica® Open Ang Salita ng Diyos™
Karapatang-sipi © 2009, 2011, 2014, 2025 ng Biblica, Inc.
Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2025 by Biblica, Inc.
Ang “Biblica” ay ang tatak-pangkalakal na nakarehistro sa Biblica, Inc. sa United States Patent at Trademark Office.
Ginamit nang may pahintulot.
“Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.
Used with permission.