Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

1 Samuel 25:1-25

1 Samuel 25:1-25 ASND

Lumipas ang panahon at namatay si Samuel. Nagtipon ang buong Israel at ipinagluksa ang pagkamatay niya. Inilibing siya sa kanyang tirahan sa Rama. Pagkatapos nito, lumipat si David sa disyerto ng Maon. Doon sa Maon, may isang tao na napakayaman at may lupain sa Carmel. Mayroon siyang 1,000 kambing at 3,000 tupa na kanyang pinapagupitan sa Carmel. Ang pangalan ng taong ito ay Nabal at mula siya sa angkan ni Caleb. Ang asawa naman niya ay si Abigail. Matalino at maganda si Abigail pero si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali. Habang nasa ilang si David, nabalitaan niya na pinapagupitan na ni Nabal ang kanyang mga tupa. Kaya nagpadala siya ng sampung tao sa Carmel na dala ang mensaheng ito para kay Nabal, “Biyayaan ka sana ng mahabang buhay. Maging masagana sana ang buo mong sambahayan at ang lahat ng pag-aari mo. Nabalitaan ko na nagpapagupit ka ng iyong mga tupa. Nang nakasama namin ang mga pastol mo sa Carmel, hindi namin sila sinaktan at walang anumang nawala sa kanila. Tanungin mo sila at sasabihin nila ang totoo. Ngayon, nakikiusap ako na pakitaan mo ng kabutihan ang mga tauhan ko, dahil pista ngayon. Ituring mo akong anak at ang mga alipin ko bilang iyong alipin; pakibigay sa amin ang anumang gusto mong ibigay.” Pagdating ng mga tauhan ni David kay Nabal, ipinaabot nila ang mensahe ni David, at naghintay. Tinanggihan ni Nabal si David. “Sino ba ang David na ito na anak ni Jesse? Sa panahon ngayon, maraming alipin ang tumatakas sa kanilang mga amo. Bakit ko naman ibibigay sa iyo ang tinapay, tubig at karneng para sa mga manggugupit ng mga tupa ko, gayong hindi ko nga alam kung saang lupalop kayo nanggaling?” Bumalik ang mga tauhan ni David at isinalaysay ang lahat ng sinabi ni Nabal. Nang marinig niya ang lahat ng ito, sinabi niya sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ninyo ang inyong mga espada!” Kaya isinukbit ng mga tauhan niya ang kanilang mga espada, at ganoon din ang ginawa ni David. Mga 400 tao ang sumama kay David at 200 ang naiwan para bantayan ang mga kagamitan. Isa sa mga alipin ni Nabal ang nagsabi kay Abigail na kanyang asawa, “Nagsugo si David ng mga mensahero rito galing sa disyerto para kumustahin ang amo naming si Nabal, pero ininsulto pa niya sila. Mabuti ang mga taong iyon sa amin, hindi nila kami ginawan ng anumang masama. Sa buong panahon na naroon kami sa bukid malapit sa kanila, walang anumang nawala sa amin. Binantayan nila kami araw at gabi habang nagbabantay kami ng mga tupa. Pag-isipan mong mabuti ang nararapat mong gawin dahil mapapahamak ang asawa mo at ang kanyang buong sambahayan. Napakasama niyang tao kaya walang nangangahas na makipag-usap sa kanya.” Walang sinayang na oras si Abigail. Nagpakuha siya ng 200 tinapay, dalawang balat na sisidlan na puno ng katas ng ubas, limang kinatay na tupa, isang sako ng binusang trigo, 100 dakot ng pasas, at 200 dakot ng igos. Pagkatapos, ipinakarga niya ito sa mga asno, at sinabi sa kanyang mga utusan, “Mauna na kayo, susunod na lang ako.” Pero hindi niya ito ipinaalam sa asawa niyang si Nabal. Habang nakasakay si Abigail sa kanyang asno at paliko na sa gilid ng bundok, nakita niyang padating naman si David at ang mga tauhan nito. Samantala, sinasabi ni David, “Walang saysay ang pagbabantay natin sa mga ari-arian ni Nabal sa disyerto para walang mawala sa mga ito. Masama pa ang iginanti niya sa mga kabutihang ginawa natin. Parusahan sana ako ng Dios nang napakatindi kapag may itinira pa akong buhay na lalaki sa sambahayan niya pagdating ng umaga.” Nang makita ni Abigail si David, dali-dali siyang bumaba sa kanyang asno at lumuhod sa harapan ni David bilang paggalang. Sinabi niya, “Pakiusap po, pakinggan nʼyo ako. Inaako ko na po ang pagkakamali ng aking asawa. Huwag nʼyo na pong pag-aksayahan ng panahon si Nabal. Napakasama niyang tao. Nababagay lang sa kanya ang pangalan niyang Nabal, na ang ibig sabihin ay ‘hangal.’ Ipagpaumanhin nʼyo po pero hindi ko nakita ang mga mensaherong pinapunta nʼyo kay Nabal.