Namatay si Samuel, at ang buong sambayanang Israel ay nagtipon upang magluksa. Inilibing nila ang kanyang bangkay sa kanyang tahanan sa Rama. Si David naman ay lumipat sa ilang ng Paran. Sa Maon ay may isang taong mayaman. Malaki ang kanyang kawan sa Carmel. Mayroon siyang tatlong libong tupa at sanlibong kambing. Nabal ang kanyang pangalan at buhat sa angkan ni Caleb. Ang asawa niya'y si Abigail. Ang babaing ito'y maganda at matalino ngunit si Nabal ay masungit at magaspang ang pag-uugali. Minsan, nabalitaan ni David na ginugupitan ni Nabal ang kanyang mga tupa. Pinapunta ni David sa Carmel ang sampu sa kanyang tauhan at ipinasabi ang ganito: “Sumainyo ang kapayapaan at sa buo ninyong sambahayan. Nabalitaan naming ikaw ay naggugupit ng balahibo ng tupa. Ang mga pastol mo ay nakasama namin at hindi namin sila ginambala; sa halip ay tinulungan namin sila at hindi naligalig sa buong panahon ng pagpapastol nila rito sa Carmel. Ito'y mapapatunayan nila sa inyo. Dahil dito, tanggapin mo ang aking mga tauhan at ipinapakiusap kong tulungan mo ako. Bigyan mo ako ng anumang maibibigay mo para maihanda sa aming pista.” Sumunod naman ang mga inutusan ni David. Sinabi nila kay Nabal ang lahat ng ipinapasabi sa kanila at naghintay ng sagot. Sinabi ni Nabal, “Sino ba si David? Sinong anak ni Jesse? Talagang maraming alipin ngayon na lumalayas sa kanilang mga amo. Ang tinapay, inumin at pagkain para sa aking mga manggugupit ay hindi ko maibibigay sa mga taong hindi ko alam kung saang lupalop nanggaling?” Nang marinig ito, nagbalik sila kay David at sinabing lahat ang sinabi ni Nabal. Dahil dito, sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Ihanda ninyo ang mga tabak ninyo!” Humanda naman ang apatnaraan sa kanyang mga tauhan at sumama sa kanya; naiwan ang dalawandaan upang magbantay sa kanilang mga dala-dalahan. Sinabi ng isang pastol kay Abigail, “Si David po ay nagpadala ng sugo sa inyong asawa at magalang na nakipag-usap ngunit sila'y ininsulto ng inyong asawa. Mababait ang mga taong iyon. Tinulungan nila kami at wala silang kinuhang anuman sa amin sa buong panahong kasama namin sila sa parang. Binantayan po nila kami araw-gabi sa aming pagpapastol. Pag-isipan po ninyo kung ano ang mabuting gawin ngayon, sapagkat ang nangyari ay tiyak na magbubunga ng masama sa aming panginoon at sa buo niyang sambahayan. Hindi naman namin masabi sa kanya ito sapagkat matigas ang ulo niya; tiyak na hindi niya kami papakinggan.” Dali-daling naghanda si Abigail ng dalawandaang tinapay. Pinuno niya ng alak ang dalawang sisidlan, nagpapatay ng limang tupa, nagpakuha ng limang takal ng sinangag na trigo, sandaang kumpol ng pasas at dalawandaang tinapay na igos; lahat ng ito'y ikinarga niya sa mga asno. Pagkatapos, sinabi niya sa ilan niyang tauhan, “Mauna kayo sa akin, at susunod ako.” Hindi niya ito ipinaalam kay Nabal na kanyang asawa. Habang pababa si Abigail sa isang burol, dumarating naman sina David mula sa kabila. Sa galit ni David kay Nabal ay nasabi niya, “Sayang lamang ang pangangalaga natin sa ari-arian ng Nabal na iyon. Tinulungan natin siya at walang nabawas sa kanyang kawan, ngunit ito pa ang iginanti sa atin. Parusahan sana ako ng Diyos kapag hindi ko pinatay bukas ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan.” Nang makita ni Abigail si David, nagmamadali siyang bumabâ sa kanyang asno at nagpatirapa sa harapan ni David. Sinabi niya, “Ako na po ang inyong sisihin. Pakinggan po muna sana ninyo ang aking sasabihin. Huwag po ninyong pansinin si Nabal. Wala pong kuwentang tao iyon. Tamang-tama po sa kanya ang kanyang pangalan, siya po'y luku-luko. Hindi ko po kasi nakita ang mga tauhan ninyong pinapunta sa amin.
Basahin 1 Samuel 25
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: 1 Samuel 25:1-25
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas