1 Samuel 31
31
Ang Kamatayan ni Saul at ng Kanyang mga Anak
(1 Cro. 10:1-12)
1Nakipaglaban ang mga Filisteo sa mga Israelita sa Bundok ng Gilboa. Maraming namatay sa mga Israelita, at ang iba sa kanilaʼy nagsitakas. 2Hinabol ng mga Filisteo si Saul at ang mga anak niyang lalaki, at pinatay nila ang mga anak niyang sina Jonatan, Abinadab at Malki Shua. 3Matindi ang labanan nina Saul at ng mga Filisteo. Tinamaan siya ng pana at malubhang nasugatan. 4Sinabi ni Saul sa tagapagdala ng kanyang armas, “Bunutin mo ang iyong espada at patayin ako, dahil kung hindi, silang mga hindi nakakakilala sa Dios#31:4 hindi nakakakilala sa Dios: sa literal, hindi tuli. ang papatay sa akin, at pagtatawanan pa nila ako.” Pero natakot ang tagapagdala niya ng armas na patayin siya, kaya kinuha ni Saul ang sarili niyang espada, at sinaksak ang sarili. 5Nang makita ng tagapagdala ng armas na patay na si Saul, sinaksak din niya ang kanyang sarili at namatay sa tabi ni Saul. 6Kaya nang araw na iyon, namatay si Saul, ang tatlo niyang anak na lalaki, ang tagapagdala niya ng armas at ang lahat ng tauhan niya.
7Nakita ng mga Israelitang nakatira sa kabilang bahagi ng lambak ng Jezreel at sa kabilang ilog ng Jordan ang pagtakas ng mga sundalong Israelita at pagkamatay ni Saul at ng kanyang mga anak. Kaya iniwan nila ang kani-kanilang bayan at nagsitakas. Dahil doon, pinasok at tinirhan ng mga Filisteo ang mga bayang ito.
8Kinabukasan, nang pumunta ang mga Filisteo sa Bundok ng Gilboa para kunin ang mahahalagang bagay sa mga namatay na sundalo, nakita nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang tatlong anak. 9Pinugutan nila ng ulo si Saul, at kinuha ang kanyang armas. Pagkatapos nito, nagsugo sila ng mga mensahero sa buong lupain ng Filisteo para ibalita sa templo ng kanilang dios-diosan at mga kababayan ang kamatayan ni Saul. 10Inilagay nila ang armas ni Saul sa templo ng diosa nilang si Ashtoret, at isinabit ang bangkay nito sa pader ng lungsod ng Bet Shan.
11Nang mabalitaan ng mga taga-Jabes Gilead ang ginawa ng mga Filisteo kay Saul, 12lumakad ang lahat ng matatapang nilang mandirigma nang buong gabi hanggang sa makarating sila sa Bet Shan. Kinuha nila ang bangkay ni Saul at ng kanyang mga anak mula sa pader ng Bet Shan at dinala sa Jabes at sinunog ang mga ito roon. 13Pagkatapos, kinuha nila ang mga buto, inilibing sa ilalim ng punong tamarisko sa Jabes, at nag-ayuno sila sa loob ng pitong araw.
Kasalukuyang Napili:
1 Samuel 31: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.