Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Mga Gawa 16:16-40

Mga Gawa 16:16-40 ASD

Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. Palaging sinusundan ng babae si Pablo at kami habang sumisigaw ito ng, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Diyos! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!” Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa tuluyang nainis si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung sumasanib dito, “Sa pangalan ni Hesu-Kristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad naman itong iniwan ng masamang espiritu. Nang makita ng mga amo nito na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa upang iharap sa mga opisyal ng lungsod. Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Hudyo at nanggugulo sa ating lungsod. Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa batas nating mga Romano. Hindi natin puwedeng sundin ang mga itinuturo nila.” Nakiisa ang mga tao sa pag-uusig kina Pablo at Silas. Pinahubaran sila ng mga opisyal at ipinahagupit. At nang mahagupit na sila nang husto, ikinulong sila. At inutusan ang guwardiya na bantayan silang mabuti. Kaya ipinasok sila ng guwardiya sa kaloob-loobang selda at ikinabit ang kanilang mga paa sa mabibigat na kahoy. Nang maghahatinggabi na, nananalangin at umaawit ng mga papuri sa Diyos sina Pablo at Silas. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig kahit ang mga pundasyon ng bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. Nagising ang guwardiya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana siya. Ngunit sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” Nagpakuha ng ilaw ang guwardiya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Mga ginoo, ano ang dapat kong gawin upang maligtas?” Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Hesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.” At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Panginoon sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. Kahit malalim na ang gabi, isinama sila ng guwardiya at hinugasan ang mga sugat nila. Pagkatapos nito, agad siyang nagpabautismo kasama ang kanyang buong pamilya. Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Puno ng kagalakan ang guwardiya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumampalataya na sa Diyos. Kinaumagahan, inutusan ng mga opisyal ang mga pulis na palayain na sina Pablo. At itoʼy ibinalita ng guwardiya kay Pablo. Sinabi niya, “Iniutos ng mga opisyal na palayain na kayo. Kaya maaari na kayong lumabas at umalis nang mapayapa.” Ngunit sinabi ni Pablo sa mga pulis na inutusan, “Ipinahagupit nila kami sa publiko at ipinabilanggo nang walang paglilitis, kahit na mga Romano kami. At ngayon gusto nilang palayain kami nang palihim. Hindi maaari! Sila mismong mga opisyal ang dapat pumunta rito at magpalaya sa amin.” Kaya bumalik ang mga pulis sa mga opisyal at ipinaalam sa kanila ang sinabi ni Pablo. Nang malaman nilang mga Romano pala sina Pablo, natakot sila. Kaya pumunta sa bilangguan ang mga opisyal at humingi ng paumanhin kina Pablo. Pagkatapos, pinalabas sila at pinakiusapang umalis na sa lungsod na iyon. Nang makalabas na sina Pablo at Silas sa bilangguan, pumunta sila agad sa bahay ni Lydia. Nakipagkita sila roon sa mga kapatiran, at pinalakas nila ang pananampalataya ng mga ito. Pagkatapos, umalis na sila.