Mga Gawa 2:42-47
Mga Gawa 2:42-47 ASD
Ang mga mananampalataya ay masigasig sa pag-aaral ng mga itinuturo ng mga apostol, sa pagtitipon bilang magkakapatid, sa pagpira-piraso ng tinapay upang gunitain ang Panginoon, at sa pananalangin. Namangha ang lahat ng tao dahil sa maraming kababalaghan at tanda na ginawa ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol. Palaging nagsasama-sama ang mga mananampalataya, at ibinabahagi ang kanilang ari-arian sa isaʼt isa. Ipinagbili nila ang kanilang mga lupa at mga ari-arian, at ang peraʼy ipinamahagi nila sa kanilang mga kasama ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Araw-araw, nagtitipon sila sa Templo at nagsasalo-salo sa pagkain upang gunitain ang Panginoon sa kanilang mga bahay na may lubos na kagalakan at malinis na kalooban. Palagi silang nagpupuri sa Diyos at ang mga taoʼy nalulugod sa kanila. Araw-araw ay idinaragdag sa kanila ng Panginoon ang mga taong kanyang inililigtas.


