Mga Gawa 9:10-16
Mga Gawa 9:10-16 ASD
Doon sa Damasco ay may isang alagad na ang pangalan ay Ananias. Nagpakita sa kanya ang Panginoon sa isang pangitain at sinabi, “Ananias!” Sumagot siya, “Narito po ang inyong lingkod, Panginoon.” Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Pumunta ka sa daang tinatawag na Matuwid, at doon sa bahay ni Judas ay hanapin mo ang taong taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Nananalangin siya ngayon, at ipinakita ko sa kanya sa isang pangitain na pumasok ang isang lalaking nagngangalang Ananias sa kinaroroonan niya at ipinatong ang mga kamay sa kanya upang muli siyang makakita.” Subalit sumagot si Ananias, “Panginoon, marami po akong nababalitaan tungkol sa taong iyon, na pinagmamalupitan niya ang inyong mga hinirang sa Jerusalem. Narito siya ngayon sa Damasco at binigyan siya ng mga namamahalang pari ng kapangyarihang hulihin ang lahat ng tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi ng Panginoon kay Ananias, “Pumunta ka. Sapagkat siya ang pinili kong lingkod na magpapahayag tungkol sa akin sa mga Hentil at sa kanilang mga hari, at sa mga Israelita. Ipapakita ko rin sa kanya ang mga paghihirap na dapat niyang tiisin alang-alang sa akin.”




