Mga Gawa 9:17-22
Mga Gawa 9:17-22 ASD
Kaya pinuntahan ni Ananias si Saulo sa naturang bahay at pumasok siya rito. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi, “Kapatid na Saulo, ang Panginoong Hesus na nagpakita sa iyo sa daan habang papunta ka rito ang nagsugo sa akin. Inutusan niya ako rito upang muli kang makakita at mapuspos ng Banal na Espiritu.” Biglang may nahulog na parang mga kaliskis ng isda mula sa mga mata ni Saulo, at nakakita siyang muli. Tumayo siya at nagpabautismo. At pagkatapos, kumain siya at muling lumakas. Nanatili si Saulo ng ilang araw sa Damasco kasama ng mga alagad. Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga na si Hesus ang Anak ng Diyos. Nagtaka ang lahat ng nakarinig sa kanya. Sinabi nila, “Hindi baʼt ito ang lalaking nagpahirap sa mga sumasampalataya kay Hesus sa Jerusalem? Hindi baʼt naparito siya para hulihin sila at dalhin sa mga namamahalang pari?” Lalo pang naging makapangyarihan ang pangangaral ni Saulo. At hindi makasagot sa kanya ang mga Hudyo sa Damasco nang patunayan niyang si Hesus ang Mesias.




