Daniel 3:3-16
Daniel 3:3-16 ASD
Kaya ang mga gobernador, mga alkalde, mga komisyoner, mga tagapayo, mga ingat-yaman, mga hukom, at iba pang mga opisyal ng lalawigan ay nagtipon para sa pagtatalaga ng rebultong ipinatayo ni Haring Nebucadnezar. Tumayo silang lahat sa harapan nito. At sumigaw ang tagapagbalita, “Kayong mga nanggaling sa ibaʼt ibang bansa, lahi, at wika, kapag narinig ninyo ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang mga instrumento, lumuhod kayo agad at sumamba sa rebultong itinayo ni Haring Nebucadnezar. Ang sinumang hindi sumamba ay agad na itatapon sa naglalagablab na hurno.” Kaya nang marinig nila ang tunog ng tambuli, plauta, kudyapi, alpa, at iba pang instrumento, ang lahat ng mga tao mula sa ibaʼt ibang lahi at wika ay lumuhod at sumamba sa rebultong ginto na itinayo ni Haring Nebucadnezar. Nang panahong iyon, may ilang taga-Babilonia na lumapit sa hari at pinaratangan nila ang mga Hudyo. Sinabi nila kay Haring Nebucadnezar, “Nawaʼy humaba pa ang inyong buhay, Mahal na Hari! Hindi baʼt nag-utos po ang Mahal na Hari na ang sinumang makarinig ng tunog ng mga instrumento ay dapat lumuhod at sumamba sa gintong rebulto, at ang hindi sasamba ay itatapon sa naglalagablab na hurno? Ngunit may ilang mga Hudyo hindi sumusunod sa inyong utos, Mahal na Hari. Sila po ay sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Sila ang mga taong pinamamahala ninyo sa lalawigan ng Babilonia. Hindi nila iginagalang ang inyong mga diyos, at hindi sila sumasamba sa gintong rebulto na ipinatayo ninyo.” Nang marinig iyon ng hari, nagalit siya nang husto. Kaya ipinatawag ni Nebucadnezar sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Nang dumating sila, tinanong sila ni Nebucadnezar, “Totoo ba, Shadrac, Meshac at Abednego na hindi ninyo iginagalang ang aking mga diyos at hindi kayo sumasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ko? Ngayon, inuutusan ko kayong sumamba sa rebulto kapag narinig ninyo ang tunog ng mga instrumento. Dahil kung hindi, ipapatapon ko kayo sa naglalagablab na hurno. Tingnan natin kung may diyos na makakapagligtas sa inyo.” Sumagot sina Shadrac, Meshac at Abednego, “Mahal na Haring Nebucadnezar, hindi po namin kailangang ipagtanggol ang aming mga sarili sa inyo tungkol sa bagay na ito.



