Ang aklat na ito ay tungkol sa mga mensahe na sinabi ni Moises sa lahat ng Israelita noong naroon pa sila sa ilang, sa silangan ng Ilog ng Jordan. Nagkakampo sila sa Kapatagan ng Jordan malapit sa Suf, sa gitna ng Paran, Tofel, Laban, Hazerot at Dizahab. (Mga 11 araw na paglalakbay mula sa Bundok ng Sinai papunta sa Kadesh Barnea kung dadaan sa Bundok ng Seir.) Nang unang araw ng ika-11 buwan, sa ika-40 taon, mula nang umalis ang mga Israelita sa Egipto, sinabi sa kanila ni Moises ang lahat ng iniutos ng PANGINOON na sabihin sa kanila. Nangyari ito matapos matalo ni Moises si Sihon na hari ng mga Amoreo, na nakatira sa Heshbon, at si Haring Og ng Bashan na nakatira sa Ashtarot at Edrei. Kaya sinabi nga sa kanila ni Moises ang mga kautusan ng PANGINOON doon sa silangan ng Jordan, sa teritoryo ng Moab. Sinabi niya, “Noong naroon tayo sa Horeb, sinabi sa atin ng PANGINOON na ating Dios, ‘Matagal na kayong naninirahan sa bundok na ito, kaya umalis na kayo. Pumunta kayo sa kaburulan ng mga Amoreo at sa mga lugar sa palibot nito – sa Kapatagan ng Jordan, sa kabundukan, sa kaburulan sa kanluran, sa Negev, at sa mga lugar sa tabing-dagat. Pumunta kayo sa lupain ng Canaan at sa Lebanon, hanggang sa malaking Ilog ng Eufrates. Ibinibigay ko ang mga lupaing ito sa inyo. Lumakad na kayo at angkinin ang mga lugar na ito na ipinangako ko sa inyong mga ninunong sina Abraham, Isaac, at Jacob, at sa kanilang salinlahi.’ ”
“Nang panahong iyon, sinabi ko sa inyo, ‘Hindi ko kayo kayang pamunuan nang mag-isa. Pinarami kayo ng PANGINOON na inyong Dios. At ngayon, kasindami na kayo ng mga bituin sa langit. Nawaʼy ang PANGINOON, ang Dios ng inyong mga ninuno, ang lalo pang magparami sa inyo ng ilang libong beses at pagpalain niya kayo ayon sa kanyang ipinangako. Pero paano ko aayusing mag-isa ang inyong mga away at problema? Kaya pumili kayo sa bawat lahi ninyo ng mga taong marunong, maunawain at iginagalang, at pamamahalain ko sila sa inyo.’
“Sumang-ayon kayo na mabuti ang aking plano. Kaya pinamahala ko sa inyo, bilang mga hukom at mga opisyal, ang mga taong marunong at iginagalang na mula sa inyong lahi. Ang ibaʼy responsable sa 1,000 tao, ang ibaʼy sa 100, ang ibaʼy sa 50, at ang ibaʼy sa 10. Nang panahong iyon, iniutos ko sa inyong mga hukom, ‘Ayusin ninyo ang kaso ng mga tao, at humatol nang makatarungan, hindi lang sa mga Israelita kundi pati na rin sa mga dayuhang naninirahang kasama ninyo. Wala dapat kayong papanigan sa inyong paghatol; parehas ninyong pakinggan ang mga mahihirap at mayayaman. Huwag kayong matatakot kahit kanino, dahil galing sa Dios ang mga desisyong ginagawa ninyo. Kung mahirap para sa inyo ang kaso, dalhin ninyo ito sa akin at ako na ang bahala sa paghatol nito.’ At sinabi ko rin sa inyo noon ang lahat ng dapat ninyong gawin.
“Ayon sa iniutos ng PANGINOON na ating Dios, umalis tayo sa Bundok ng Sinai, at naglakbay sa malawak at nakakatakot na ilang na nakita mismo ninyo, at pumunta tayo sa kaburulan ng mga Amoreo. Pagdating natin sa Kadesh Barnea, sinabi ko sa inyo, ‘Nakarating na tayo sa kaburulan ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng PANGINOON na ating Dios. Tingnan ninyo ang lupaing ibinigay niya sa inyo. Angkinin ninyo ito ayon sa sinabi ng PANGINOON, ang Dios ng inyong mga ninuno. Huwag kayong matakot o manghina.’
“Lumapit kayong lahat sa akin at sinabi, ‘Magpadala muna tayo ng mga tao para mag-espiya sa lupain upang masabihan nila tayo kung saan tayo dadaan at kung saan ang mga bayan na pupuntahan natin.’
“Napag-isip-isip ko na mabuti ang planong iyon kaya pumili ako ng 12 tao, isa sa bawat lahi. Lumakad sila at dumaan sa kaburulan, at nakarating sa Lambak ng Eshcol at nagmanman sila roon. Sa kanilang pagbalik, may dala sila sa ating mga prutas galing doon, at ibinalita nila na masagana ang lupaing ibinibigay ng PANGINOON na ating Dios.
“Pero ayaw ninyong pumunta roon, sinuway ninyo ang utos ng PANGINOON na inyong Dios. Nagreklamo kayo sa inyong mga tolda at sinabi, ‘Kinasusuklaman tayo ng PANGINOON, kaya pinaalis niya tayo sa Egipto para ibigay sa kamay ng mga Amoreo at kanilang patayin. Paano tayo makakapunta roon? Tinakot tayo ng mga nagmanman sa lupain. Sinasabi nilang mas malalakas at mas matataas pa sa atin ang mga tao roon, at ang mga lungsod nila ay malalaki at napapalibutan ng mga pader na parang umabot na sa langit ang taas. At nakita pa nila roon ang mga angkan ni Anak.’
“Pagkatapos, sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong masindak o matakot sa kanila. Ang PANGINOON na inyong Dios ang mangunguna at makikipaglaban para sa inyo, kagaya ng nakita ninyong ginawa niya sa Egipto at sa ilang. Nakita ninyo kung paano kayo inalagaan ng PANGINOON na inyong Dios, katulad ng ama na nag-aalaga sa kanyang anak, hanggang sa makarating kayo sa lugar na ito.’
“Pero sa kabila ng lahat ng ito, hindi pa rin kayo nagtiwala sa PANGINOON na inyong Dios na nangunguna sa inyong paglalakbay, sa pamamagitan ng apoy sa gabi at ulap kung araw. Inihanap niya kayo ng mga lugar na mapagkakampuhan ninyo at itinuro sa inyo kung saan kayo dadaan.
“Nang marinig ng PANGINOON ang pagrereklamo ninyo, nagalit siya at sumumpang, ‘Wala kahit isa sa masamang henerasyong ito ang makakakita ng magandang lupaing ipinangako ko sa kanilang mga ninuno