Ito ang mga salita na sinalita ni Moises sa buong Israel sa dako roon ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suph, sa pagitan ng Paran, at ng Thopel, at ng Laban, at ng Haseroth, at ng Di-zahab.
Labing isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung dadaan ng bundok ng Seir hanggang sa Cades-barnea.
At nangyari nang ikaapat na pung taon, nang ikalabing isang buwan, nang unang araw ng buwan, na nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel, tungkol sa lahat na ibinigay sa kaniyang utos ng Panginoon sa kanila;
Pagkatapos na kaniyang masaktan si Sehon na hari ng mga Amorrheo, na tumatahan sa Hesbon, at si Og na hari sa Basan, na tumatahan sa Astarot sa Edrei:
Sa dako roon ng Jordan, sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipinahayag ang kautusang ito, na sinasabi,
Ang Panginoon nating Dios ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, Kayo'y nakatahan ng malaón sa bundok na ito:
Pumihit kayo, at kayo'y maglakbay, at kayo'y pumaroon sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, at sa lahat ng mga dakong malapit, sa Araba, sa lupaing maburol, at sa mababang lupain, at sa Timugan, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo at sa Lebano, hanggang sa malaking ilog, na ilog Eufrates.
Narito, aking inilagay ang lupain sa harap ninyo: inyong pasukin at ariin ang lupain na isinumpa ng Panginoon sa inyong mga magulang, kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang binhi pagkamatay nila.
At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong yaon na sinasabi, Hindi ko madadalang magisa kayo:
Pinarami kayo ng Panginoon ninyong Dios, at, narito, kayo sa araw na ito ay gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan.
Kayo nawa'y dagdagan ng Panginoon, ng Dios ng inyong mga magulang, ng makalibo pa sa dami ninyo ngayon, at kayo nawa'y pagpalain, na gaya ng ipinangako niya sa inyo!
Paanong madadala kong magisa ang inyong ligalig, at ang inyong pasan, at ang inyong pagkakaalitan?
Kumuha kayo sa inyo ng mga lalaking pantas, at nakakaalam, at kilala, ayon sa inyong mga lipi, at sila'y aking gagawing pangulo sa inyo.
At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, Ang bagay na iyong sinalita ay mabuting gawin namin.
Sa gayo'y kinuha ko sa inyo ang mga pangulo ng inyong mga lipi, na mga taong pantas, at kilala, at akin silang ginawang pangulo sa inyo, na mga punong kawal ng libolibo, at mga punong kawal ng mga daandaan, at mga punong kawal ng mga limangpu-limangpu, at mga punong kawal ng mga sangpusangpu, at mga pinuno ayon sa inyong mga lipi.
At aking pinagbilinan ang inyong mga hukom nang panahong yaon na sinasabi, Inyong dinggin ang mga usap ng inyong mga kapatid, at inyong hatulan ng matuwid ang tao at ang kaniyang kapatid, at ang taga ibang lupa na kasama niya.
Huwag kayong magtatangi ng tao sa kahatulan; inyong didinggin ang maliliit, na gaya ng malaki: huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagka't ang kahatulan ay sa Dios: at ang usap na napakahirap sa inyo, ay inyong dadalhin sa akin, at aking didinggin.
At aking iniutos sa inyo nang panahong yaon ang lahat ng mga bagay na inyong dapat gagawin.
At tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak yaong buong malawak at kakilakilabot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amorrheo, na gaya ng iniutos ng Panginoon nating Dios sa atin, at tayo'y dumating sa Cades-barnea.
At aking sinabi sa inyo, Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amorrheo na ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.
Narito, inilalagay ng Panginoon ninyong Dios ang lupain sa harap mo: sampahin mo, ariin mo, na gaya ng sinalita sa iyo ng Panginoon, ng Dios ng iyong mga magulang; huwag kang matakot, ni manglupaypay.
At kayo'y lumapit sa akin, bawa't isa sa inyo, at nagsabi, Tayo'y magsugo ng mga lalake sa unahan natin, upang kanilang kilalanin ang lupain para sa atin, at magbigay alam sa atin ng daang ating marapat sampahan, at ng mga bayang ating daratnin.
At ang bagay na yaon ay inakala kong magaling: at ako'y kumuha ng labing dalawang lalake sa inyo, na isang lalake sa bawa't lipi.
At sila'y pumihit at sumampa sa bundok, at dumating hanggang sa libis ng Escol, at kanilang tiniktikan.
At sila'y nagbitbit ng bunga ng lupain sa kanilang mga kamay, at kanilang ipinanaog sa atin, at sila'y nagdala ng kasagutan at nagsabi, Mabuting lupain ang ibinibigay sa atin ng Panginoon nating Dios.
Gayon ma'y hindi kayo umakyat, kundi nanghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Dios.
At kayo'y dumaing sa inyong mga tolda, at inyong sinabi, Sapagka't kinapootan tayo ng Panginoon, ay inilabas tayo sa lupain ng Egipto, upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amorrheo, upang tayo'y lipulin.
Saan tayo sasampa? pinapanglupaypay ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, Ang mga tao ay malalaki at matataas kay sa atin; ang mga bayan ay malalaki at nakukutaan ng hanggang sa himpapawid; at bukod dito'y aming nakita roon ang mga anak ng mga Anaceo.
Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.
Ang Panginoon ninyong Dios, na nangunguna sa inyo, ay kaniyang ipakikipaglaban kayo, ayon sa lahat ng kaniyang ginawa sa Egipto dahil sa inyo sa harap ng inyong mga mata;
At sa ilang, na inyong kinakitaan kung paanong dinala ka ng Panginoon ninyong Dios, na gaya ng pagdadala ng tao sa kaniyang anak, sa buong daang inyong nilakaran hanggang sa dumating kayo sa dakong ito.
Gayon ma'y sa bagay na ito, ay hindi kayo sumampalataya sa Panginoon ninyong Dios,
Na nagpauna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda, na nasa apoy pagka gabi, upang ituro sa inyo kung saang daan kayo dadaan, at nasa ulap pagka araw.
At narinig ng Panginoon ang tinig ng inyong mga salita, at nag-init, at sumumpa, na nagsasabi,
Tunay na hindi makikita ng isa man nitong mga taong masamang lahi ang mabuting lupain na aking isinumpang ibigay sa inyong mga magulang