Nagpatuloy si Moises sa pakikipag-usap sa lahat ng Israelita. Sinabi niya, “Akoʼy 120 taong gulang na at hindi ko na kayo kayang pamunuan. At sinabi rin ng PANGINOON sa akin na hindi ako makakatawid sa Jordan. Ang PANGINOON na inyong Dios mismo ang mangunguna sa inyo sa pagtawid. Wawasakin niya ang mga bayan doon, at aangkinin ninyo ang mga lupain nila. Pangungunahan kayo ni Josue sa pagtawid ayon sa sinabi ng PANGINOON. Wawasakin ng PANGINOON ang mga bayang ito gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain. Ibibigay sila ng PANGINOON sa inyo, at kailangang gawin ninyo sa kanila ang iniutos ko sa inyo. Magpakatatag kayo at magpakatapang. Huwag kayong matatakot sa kanila dahil ang PANGINOON na inyong Dios ay kasama ninyo; hindi niya kayo iiwan o pababayaan man.”
Pagkatapos, ipinatawag ni Moises si Josue, at sa harap ng lahat ng Israelita ay sinabi sa kanya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang mangunguna sa mga taong ito sa pagpunta at pagsakop sa lupaing ipinangako ng PANGINOON sa kanilang mga ninuno na ibibigay sa kanila. Tutulungan mo silang angkinin ang lupain. Pangungunahan ka ng PANGINOON at sasamahan ka niya; hindi ka niya iiwan o pababayaan man. Kaya huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.”
Isinulat ni Moises ang mga utos na ito at ibinigay sa mga paring lahi ni Levi, na siyang mga tagabuhat ng Kahon ng Kasunduan ng PANGINOON, at sa lahat ng tagapamahala ng Israel. Pagkatapos, inutusan sila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon na siyang taon ng pagkakansela ng mga utang, habang Pista ng Pagtatayo ng mga Kubol, babasahin ninyo ang mga utos na ito sa lahat ng mga Israelita kung magtitipon sila sa presensya ng PANGINOON na inyong Dios sa lugar na pipiliin niya. Tipunin ang mga tao – mga lalaki, babae, bata at mga dayuhang naninirahan sa bayan nʼyo – upang makapakinig sila at matutong gumalang sa PANGINOON na inyong Dios at sumunod nang mabuti sa lahat ng ipinatutupad ng mga utos na ito. Gawin ninyo ito para ang inyong mga anak na hindi pa nakakaalam ng mga utos na ito ay makarinig din nito at matutong gumalang sa PANGINOON na inyong Dios habang nabubuhay kayo sa lupaing aangkinin ninyo sa kabila ng Jordan.”
Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Malapit ka nang mamatay, kaya ipatawag mo si Josue at pumunta kayo sa Toldang Tipanan, dahil tuturuan ko siya roon ng gagawin niya.” Kaya pumunta sina Moises at Josue sa Toldang Tipanan.
Nagpakita ang PANGINOON sa pamamagitan ng ulap na parang haligi roon sa may pintuan ng Tolda. Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Malapit ka nang mamatay at makasama ng mga ninuno mo. Kung wala ka na, ang mga taong ito ay sasamba sa ibang mga dios na sinasamba ng mga tao sa lupaing pupuntahan nila. Itatakwil nila ako at susuwayin ang kasunduang ginawa ko sa kanila. Sa araw na iyon, magagalit ako sa kanila at itatakwil ko sila. Tatalikuran ko sila at silaʼy malilipol. Maraming kapahamakan at kahirapan ang darating sa kanila, at sa panahong iyon, magtatanong sila, ‘Dumating ba sa atin ang mga kapahamakang ito dahil hindi tayo sinasamahan ng PANGINOON?’ Tatalikuran ko sila sa panahong iyon dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila at pagsamba sa ibang mga dios.
“Kaya isulat mo ang awit na ito at ituro sa mga Israelita. Ipaawit mo ito sa kanila para maging saksi ito laban sa kanila. Dadalhin ko sila sa maganda at masaganang lupain na ipinangako kong ibibigay sa kanilang mga ninuno. Doon, mabubuhay sila nang masagana; kakain sila ng lahat ng pagkaing gusto nila, at mabubusog sila. Pero tatalikuran nila ako at sasamba sa ibang mga dios. Susuwayin nila ang aking kasunduan. Kung dumating na sa kanila ang maraming kapahamakan at mga kahirapan, ang awit na ito ang magiging saksi laban sa kanila, sapagkat hindi ito malilimutan ng kanilang mga lahi. Nalalaman ko kung ano ang pinaplano nilang gawin kahit na hindi ko pa sila nadadala sa lupaing ipinangako ko sa kanila.” Sa araw na iyon, isinulat ni Moises ang awit at itinuro sa mga Israelita.
Itinalaga ng PANGINOON si Josue na anak ni Nun. Sabi niya, “Magpakatatag ka at magpakatapang, dahil ikaw ang magdadala sa mga Israelita sa lupain na ipinangako ko sa kanila, at sasamahan kita.”