Ester 2:19-23
Ester 2:19-23 ASD
Sa pangalawang pagtitipon ng mga dalaga, si Mordecai ay nakapuwesto na sa pintuan ng palasyo bilang isang opisyal. Hindi pa rin sinasabi ni Ester kung saang lahi o sambahayan siya kabilang tulad ng bilin ni Mordecai. Sinusunod pa rin ni Ester si Mordecai katulad noon, nang siyaʼy nasa pangangalaga pa nito. Sa panahong si Mordecai ay nakapuwesto sa pintuan ng palasyo, may dalawang eunuko ng hari na nagngangalang Bigtan at Teres. Sila ang mga guwardiya ng pintuan ng kuwarto niya. Nagalit sila kay Haring Asuero, at nagplano silang patayin ito. Pero nalaman ni Mordecai ang planong ito, kaya sinabi niya ito kay Reyna Ester. Sinabi naman ito ni Ester sa hari at ipinaalam din niya sa kanya na si Mordecai ang nakatuklas sa planong pagpatay. Ipinasiyasat ito ng hari. At nang mapatunayang totoo ito, ipinatuhog niya sina Bigtan at Teres sa nakatayong matulis na kahoy. At ang pangyayaring itoʼy ipinasulat ng hari sa Aklat ng Kasaysayan ng kaharian.


