Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Exodus 23

23
Hustisya at Katarungan
1“Huwag kayong magbabalita ng kasinungalingan. Huwag kayong magsisinungaling para tumulong sa isang taong masama.
2“Huwag kayong makikiisa sa karamihan sa paggawa ng masama. Kung sasaksi kayo sa isang kaso, huwag nʼyong babaluktutin ang hustisya para lang masunod ang opinyon ng karamihan. 3Huwag ninyong papaboran ang kaso ng mga mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4“Kung makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, kailangang isauli ninyo ito sa kanya. 5Kung makita ninyong natumba ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng karga nito, huwag nʼyo itong pabayaan kundi tulungan itong makatayo.
6“Siguraduhin ninyong mabibigyan ng hustisya ang mga mahihirap sa kaso nila. 7Huwag kayong magbibintang sa iba nang walang katotohanan. Huwag ninyong papatayin ang mga inosenteng tao, dahil parurusahan ko ang sinumang gagawa nito.
8“Huwag kayong tatanggap ng suhol dahil bumubulag ito sa tao sa katotohanan, at hindi nabibigyan ng hustisya ang mga inosente.
9“Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan, dahil kayo mismo ang nakakaalam ng damdamin ng isang dayuhan, dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.
Ang Araw at Taon ng Pamamahinga
10“Sa loob ng anim na taon, makakapagtanim kayo at makakapag-ani sa lupa ninyo. 11Pero sa ikapitong taon, huwag nʼyo itong tataniman. Kung may tutubong pananim sa lupa ninyo, pabayaan ninyo ang mahihirap na makakuha ng mga pananim para kainin, at kung may matira, ipakain na lang ninyo sa mga hayop. Ganito rin ang gagawin ninyo sa mga ubasan at taniman ng olibo.
12“Magtrabaho kayo sa loob ng anim na araw, pero huwag kayong magtatrabaho sa ikapitong araw, para makapagpahinga kayo, ang mga baka at asno ninyo, ang mga alipin ninyo at ang mga dayuhan na naninirahang kasama ninyo.
13“Sundin ninyong mabuti lahat ng sinabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa ibang dios o babanggit ng pangalan nila.
Ang Tatlong Pista Bawat Taon
(Exo. 34:18-26; Deu. 16:1-17)
14“Magdiwang kayo ng tatlong pista bawat taon para sa karangalan ko. 15Ipagdiwang ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Kagaya ng iniutos ko sa inyo, kumain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw. Gawin ninyo ito sa itinakdang panahon sa buwan ng Abib, dahil ito ang buwan na lumabas kayo ng Egipto. Ang bawat isa sa inyoʼy dapat magdala sa akin ng handog sa panahong iyon.
16“Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Pag-aani sa pamamagitan ng pagdadala ng mga unang ani ng inyong bukid. Ipagdiwang din ninyo ang Pista ng Huling Pag-ani sa katapusan ng taon kapag titipunin na ninyo ang mga ani sa mga bukid ninyo.
17“Dapat dumalo ang kalalakihan ninyo sa tatlong pistang ito bawat taon sa pagsamba sa akin, ang inyong Panginoong Dios.
18“Huwag kayong maghahandog ng dugo sa akin at ng kahit anong may pampaalsa. Huwag kayong magtitira para sa kinaumagahan ng taba ng hayop na inyong inihandog sa akin sa pista.
19“Dalhin ninyo sa templo ng Panginoon na inyong Dios ang pinakamagandang bahagi ng una ninyong ani.
“Huwag ninyong lulutuin ang batang kambing na hindi pa naaawat sa kanyang ina.
20“Ngayon, isinugo ko ang anghel para bantayan at gabayan kayo sa lugar na inihanda ko para sa inyo. 21Makinig kayo sa kanya at sundin ang sinasabi niya. Huwag kayong magrerebelde sa kanya dahil ang lahat ng ginagawa niyaʼy ginagawa niya sa aking pangalan, at hindi niya pababayaang magpatuloy kayo sa mga kasalanan ninyo.#23:21 hindi niya pababayaang … mga kasalanan ninyo: o, hindi niya patatawarin ang inyong mga kasalanan. 22Kung makikinig lang kayo nang mabuti sa sinasabi niya at gagawin ang lahat ng sinasabi ko, lalabanan ko ang inyong mga kaaway. 23Pangungunahan kayo ng aking anghel at dadalhin kayo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hiveo at Jebuseo, at lilipulin ko sila. 24Huwag kayong sasamba o maglilingkod sa mga dios-diosan nila, o tutularan ang mga ginagawa nila. Durugin ninyo ang kanilang mga dios-diosan, at gibain ang mga alaalang bato nila. 25Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, at bibigyan ko kayo ng masaganang pagkain at tubig. Pagagalingin ko ang inyong mga karamdaman, 26at walang babaeng makukunan at walang magiging baog sa inyong lupain, at pahahabain ko ang inyong buhay.
27“Tatakutin ko at lilituhin ang mga kaaway na makakaharap ninyo, at tatakas sila. 28Magpapadala ako ng mga putakting mangunguna sa inyo, at itataboy nila ang mga Hiveo, Cananeo at Heteo. 29Pero hindi ko sila itataboy sa loob lang ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang mapigilan ang pagdami roon ng mga hayop sa gubat. 30Unti-unti ko silang itataboy hanggang sa dumami na kayo at kaya na ninyong angkinin ang lupain.
31“Sisiguraduhin ko na ang hangganan ng lupain ninyo ay magsisimula sa Dagat na Pula hanggang sa Dagat ng Mediteraneo,#23:31 Dagat ng Mediteraneo: sa literal, Dagat ng Filisteo. at mula sa disyerto sa timog hanggang sa Ilog ng Eufrates. Ibibigay ko sa inyo ang mga nakatira sa lupaing iyon, at itataboy nʼyo sila. 32Huwag kayong gagawa ng kasunduan sa kanila o sa mga dios-diosan nila. 33Huwag nʼyo silang pabayaang manirahan sa inyong lupain dahil baka sila pa ang magtulak sa inyo na magkasala laban sa akin. Kung sasamba kayo sa mga dios-diosan nila, magiging bitag ito sa inyo.”

Kasalukuyang Napili:

Exodus 23: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in