Exodus 25:10-22
Exodus 25:10-22 ASD
“Magpagawa ka ng Kahon na yari sa akasya: mga apatnapuʼt limang pulgada ang haba, dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad at dalawampuʼt pitong pulgada rin ang taas. Balutan ninyo ito ng purong ginto sa loob at labas, at palagyan ng hinulmang ginto ang paligid nito. Maghulma ka ng apat na argolyang ginto at ikabit ito sa apat na paa nito, dalawa sa bawat gilid. Magpagawa ka rin ng tukod na akasya at balutan ito ng ginto. Isuot mo ang tukod sa mga argolyang ginto sa bawat gilid ng Kahon upang mabuhat ang Kahon sa pamamagitan ng mga tukod. Huwag ninyong tatanggalin ang argolyang ginto sa tukod ng Kahon. Pagkatapos, ipasok mo sa Kahon ang malalapad na bato ng kasunduan na ibibigay ko sa iyo. “Magpagawa ka ng takip ng kapatawaran gamit ang purong ginto, apatnapuʼt limang pulgada ang haba at dalawampuʼt pitong pulgada ang lapad. Magpagawa ka rin ng dalawang gintong kerubin gamit ang pinanday na ginto, at ilagay ito sa mga dulo ng takip. Ilagay ang isang kerubin sa isang dulo at ang isa naman sa kabilang dulo. Ang mga kerubin ay gawing kaisang piraso ng takip sa magkabilang dulo nito. Kailangang nakabuka paitaas ang pakpak ng mga kerubin na nakalukob sa takip. Dapat magkaharap ang dalawang kerubin at nakatingin sa takip. Ilagay mo sa Kahon ang malalapad na batong ibinigay ko sa iyo, kung saan nakasulat ang mga utos ko, at pagkatapos ay takpan mo ang Kahon. Makikipagkita ako sa iyo roon sa gitna ng dalawang kerubin na nasa ibabaw ng Kahon, at ibibigay ko sa iyo ang lahat ng utos para sa mga mamamayan ng Israel.

