Exodus 26:14-37
Exodus 26:14-37 ASD
Ang ibabaw ng talukbong ng Tolda ay papatungan ng balat ng lalaking tupa na kinulayan ng pula, at papatungan din ng magandang klase ng balat. “Dapat ang balangkas ng Tolda ay tablang akasya. Ang haba ng bawat tabla ay labinlimang talampakan at ang lapad ay dalawang talampakan. Ang bawat tabla ay nilagyan ng dalawang mitsa upang maidugtong ito sa isa pang tabla. Ganito ang ginawa nila sa bawat tabla. Ang dalawampu sa mga tablang ito ay gagamitin sa pagtatayo ng Tolda sa timog na bahagi. Ang mga tablang ito ay isinuksok sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla. Ang hilagang bahagi ng Tolda ay gagamitan din ng dalawampung tabla, at isinuksok din sa apatnapung patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla. Ang bandang kanlurang bahagi naman ng Tolda ay ginamitan nila ng anim na tabla, at dalawang tabla sa mga gilid nito. Pagdugtungin ang mga tabla sa mga sulok mula sa ilalim hanggang sa itaas. Kailangang ganito rin ang gawin sa dalawang tabla sa mga gilid. Kaya may walong tabla sa bahaging ito ng Tolda, at nakasuksok ito sa labing-anim na patungang pilak, dalawang patungan sa bawat tabla. “Magpagawa ka rin ng mga akasyang biga: lima para sa bahaging hilaga ng Tolda, lima rin sa bahaging timog, at lima rin sa bahaging kanluran sa likod ng Tolda. Ang biga sa gitna ng balangkas ay manggagaling sa dulo ng Tolda papunta sa kabilang dulo. Pabalutan ng ginto ang mga tabla at palagyan ng mga argolyang ginto na pagsusuotan ng mga biga, pabalutan din ng ginto ang mga biga. “Kailangang ipatayo mo ang Tabernakulo ayon sa planong sinabi ko sa iyo rito sa bundok. “Magpagawa ka rin ng kurtina na gawa sa lanang kulay asul, ube at pula, at hinabing pinong lino. At paburdahan mo ito ng kerubin sa mahuhusay na mambuburda. Ipasabit mo ito sa apat na haliging yari sa akasya at nababalutan ng ginto gamit ang mga kawit na ginto. Ang apat na haliging ito ay nakasuksok sa apat na patungang gawa sa pilak. Kapag naisabit na ang kurtina sa mga kawit, ilagay sa likod nito ang Kahon ng Kasunduan. Ang kurtina ang maghihiwalay sa Banal na Lugar at sa Pinakabanal na Lugar. Ilagay mo ang takip ng kapatawaran sa Kahon ng Kasunduan na nasa Pinakabanal na Lugar. Ilagay mo ang mesa sa labas ng tabing, sa hilagang bahagi ng Tolda, at ang ilawan sa bandang timog na tapat ng mesa. “Para sa pintuan ng bakuran, palagyan mo ng tabing na tatlumpung talampakan ang haba na gawa sa lanang asul, ube at pula at hinabing pinong lino. At binurdahan ng mambuburda. Pagkatapos, ipakabit ito sa mga kawit na ginto sa limang haliging akasya na nababalutan ng ginto. Ang limang haliging ito ay nakasuksok sa limang patungang tanso.

