Isang araw, binabantayan ni Moises ang mga hayop ng biyenan niyang si Jetro na pari ng Midian. Dinala ni Moises ang mga hayop malapit sa ilang at nakarating siya sa Horeb, ang bundok ng Dios. Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng PANGINOON sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.”
Nang makita ng PANGINOON na papalapit si Moises para tumingin, tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!”
Sumagot si Moises, “Narito po ako.”
Sinabi ng Dios, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Dios.
Pagkatapos, sinabi ng PANGINOON, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
Pero sinabi ni Moises sa Dios,
“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”
Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”