Ezekiel 12
12
1Sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Anak ng tao, naninirahan kang kasama ng mga rebeldeng mamamayan. May mga mata sila pero hindi nakakakita, may mga tainga pero hindi nakakarinig, dahil sila ay mga rebelde. 3Kaya anak ng tao, maghanda ka ng mga gamit mo at magkunwaring binibihag ka. Pumunta ka sa ibang lugar, gawin mo ito sa araw para makita ka nila. Baka sakaling sa pamamagitan nito, maunawaan nila ang kanilang mga pagsuway. 4Samantalang maliwanag pa, ihanda mo ang mga dadalhin mo para makita ng mga tao. Pagsapit ng gabi, habang nakatingin sila, lumakad kang parang isang bihag. 5Butasan mo ang dingding ng iyong bahay at doon ilabas ang iyong mga dala-dalahan. 6Habang nakatingin sila, pasanin mo ang mga dala-dalahan moʼt lumakad ka sa gabi. Takpan mo ang iyong mukha para hindi makita ang lupain na iyong iiwan. Ang gagawin mong ito ay magiging babala sa mga mamamayan ng Israel.”
7Kaya sinunod ko ang utos ng Panginoon. Maaga kong inihanda ang mga dadalhin ko at pagsapit ng gabi ay binutasan ko ang dingding ng bahay ko. At habang nanonood sila, pinasan ko ang mga dala ko at lumakad.
8Kinaumagahan, sinabi sa akin ng Panginoon, 9“Anak ng tao, ngayon, ang mga rebeldeng mamamayan ng Israel ay magtatanong tungkol sa ginawa mo, 10sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios ay may ipinapasabi sa mga namamahala ng Jerusalem at sa lahat ng mamamayan ng Israel. 11Sabihin mo sa kanila na ang ginawa mo ay isang babala para sa kanila na sila ay mabibihag. 12Kahit ang pinuno nilaʼy papasanin ang sarili niyang dala-dalahan at aalis nang gabi. Dadaan siya sa butas ng dingding na ginawa para sa kanya. Magtatakip siya ng mukha para hindi niya makita ang lupain. 13Pero huhulihin ko siya na parang hayop at dadalhin sa Babilonia sa lupain ng mga Caldeo. Pero hindi niya ito makikita,#12:13 hindi niya ito makikita: Ayon sa 2 Kings 25:6-7, si Zedekia na hari ng Juda ay binulag bago dalhin bilang bihag sa Babilonia. at doon siya mamamatay. 14Pangangalatin ko sa lahat ng dako ang mga tauhan niya, mga lingkod at mga hukbo. At kahit nasaan sila, ipapapatay ko sila. 15At kapag naipangalat ko na sila sa mga bansa, malalaman nilang ako ang Panginoon. 16Pero pahihintulutan ko na may makaligtas sa kanila sa digmaan, sa gutom at sa sakit para sabihin nila sa mga bansa ang mga kasuklam-suklam na ginawa nila at malalaman nilang ako ang Panginoon.”
17Sinabi sa akin ng Panginoon, 18“Anak ng tao, manginig ka sa takot habang kumakain ka at umiinom. 19Sabihin mo sa mga mamamayan ng Jerusalem at sa lahat ng taga-Israel na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na maguguluhan sila at manginginig sa takot habang kumakain at umiinom, dahil sasamsamin ang mga ari-arian ng bansa nila dahil sa kanilang kalupitan. 20Wawasakin ang mga bayan nila at magiging mapanglaw ito. At malalaman nilang ako ang Panginoon.”
21Sinabing muli ng Panginoon sa akin, 22“Anak ng tao, ano itong kasabihan sa Israel na, ‘Lumilipas ang panahon pero hindi natutupad ang mga propesiya?’ 23Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay magpapatigil sa kasabihang ito at hindi na muling sasabihin pa sa Israel. Sabihin mo rin sa kanilang malapit nang matupad ang mga propesiya. 24Tiyak na mawawala na sa Israel ang mga maling pangitain o mga panghuhula ng kasinungalingan. 25Sapagkat kapag ako, ang Panginoon ay nagsalita, tiyak na mangyayari. Hindi magtatagal at magaganap na ang mga sinabi ko tungkol sa mga rebeldeng mamamayan. At mangyayari ito sa panahon ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
26Sinabi sa akin ng Panginoon, 27“Anak ng tao, sinasabi ng mga mamamayan ng Israel na ang mga pangitain mo at mga propesiya ay mangyayari pero matagal pa. 28Kaya sabihin mo sa kanila: ‘Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi na sa lalong madaling panahon ay magaganap na ang mga sinabi ko. Oo, mangyayari na ito.’ ”
Kasalukuyang Napili:
Ezekiel 12: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.