Ezekiel 14
14
Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan ng mga Namamahala sa Israel
1Minsan, lumapit sa akin ang mga tagapamahala ng Israel at umupo sa harap ko para sumangguni sa Panginoon. 2Sinabi sa akin ng Panginoon, 3“Anak ng tao, ang mga taong iyan ay nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanila sa pagkakasala, kaya hindi ako makakapayag na humingi sila ng payo sa akin. 4Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: ‘Ang sinumang Israelitang nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humihingi ng payo sa isang propeta ay tuwiran kong sasagutin sa pamamagitan ng parusang nararapat at ayon sa dami ng kanyang mga dios-diosan. 5Gagawin ko ito para magsibalik sa akin ang lahat ng Israelitang lumayo sa akin dahil sa mga dios-diosan nila.’
6“Kaya sabihin mo ngayon sa mga Israelitang ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Magsisi kayo at itakwil na ang mga dios-diosan ninyo at talikuran ang lahat ng kasuklam-suklam ninyong mga gawa. 7Ang sinumang Israelita o hindi Israelitang nakatira sa Israel, na lumayo sa akin at nagmamahal sa mga dios-diosan na siyang nagtulak sa kanya sa pagkakasala, at pagkatapos ay humingi ng payo sa akin sa pamamagitan ng paglapit sa mga propeta, ako, ang Panginoon, ang tuwirang sasagot mismo sa kanya sa pamamagitan ng parusa. 8Kakalabanin ko siya at gagawing babala sa mga tao, at siyaʼy pag-uusapan nila. Ihihiwalay ko siya sa mga mamamayan ko. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon.
9“Kung ang isang propeta ay iniligaw sa pagpapahayag ng mali, itoʼy dahil sa ako, ang Panginoon ay nag-udyok sa kanya para magpahayag ng mali. Parurusahan ko siya at ihihiwalay sa mga mamamayan kong Israel. 10Ang propetang iyon at ang mga taong humingi ng payo sa kanya ay parehong parurusahan. 11Gagawin ko ito para ang mga Israelita ay hindi na lumayo sa akin at nang hindi na nila dungisan ang sarili nila sa pamamagitan ng paggawa ng kasalanan. Kung magkagayon, magiging mga mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
12Sinabi sa akin ng Panginoon, 13“Anak ng tao, kung ang isang bansa ay magkasala sa pamamagitan ng pagtatakwil sa akin, parurusahan ko sila at aalisin ko ang pinagmumulan ng kanilang pagkain. Magpapadala ako ng taggutom para mamatay sila pati na ang kanilang mga hayop. 14Kahit kasama pa nila sina Noe, Daniel at Job, silang tatlo lang ang maliligtas dahil sa matuwid nilang pamumuhay. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
15“Sakaling magpadala ako ng mababangis na hayop sa bansang iyon para patayin ang mga mamamayan, magiging mapanglaw ito at walang dadaan doon dahil sa takot sa mababangis na hayop, 16kahit na kasama pa nila ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi makapagliligtas ang tatlong iyon kahit ng mga anak nila. Sila lang ang maliligtas, at ang bansang iyon ay magiging mapanglaw.
17“O kung padalhan ko naman ng digmaan ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 18kahit na kasama pa nila ulit ang tatlong taong binanggit ko, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi pa rin nila maililigtas kahit ang mga anak nila maliban lang sa kanilang sarili.
19“O kung dahil sa galit ko sa kanila, padalhan ko ng sakit ang bansang iyon para patayin ang mga mamamayan at ang mga hayop nila, 20kahit na kasama pa nga nila sina Noe, Daniel at Job, ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi nila maililigtas kahit ang kanilang mga anak kundi ang mga sarili lang nila dahil sa matuwid nilang pamumuhay.
21“Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na magiging kahabag-habag ang Jerusalem kapag ipinadala ko na sa kanila ang apat na mabibigat na parusa – ang digmaan, taggutom, mababangis na hayop at mga karamdaman – na papatay sa mga mamamayan nila at mga hayop. 22Pero may makakaligtas sa kanila na dadalhin dito sa Babilonia para isama sa inyo bilang mga bihag. Makikita ninyo ang masasamang ugali nila at gawa, at mawawala ang sama ng loob ninyo sa akin sa pagpaparusa ko sa Jerusalem. 23Oo, mawawala ang sama ng loob ninyo kapag nakita ninyo ang pag-uugali nila at mga gawa, at maiintindihan ninyo na tama ang ginawa ko sa mga taga-Jerusalem. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Kasalukuyang Napili:
Ezekiel 14: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.