Ezekiel 41
41
1Pagkatapos, dinala ako ng tao sa Banal na Lugar ng templo. Sinukat niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Banal na Lugar, sampung talampakan ang taas, 2walong talampakan ang kapal ng pader at 17 talampakan ang luwang ng daanan. Sinukat din niya ang bulwagan ng Banal na Lugar, 68 talampakan ang haba at 35 talampakan ang luwang.
3Pagkatapos, pumasok ang tao sa Pinakabanal na Lugar. Sinukat din niya ang magkabilang panig ng pader ng daanan ng Pinakabanal na Lugar, tatlong talampakan ang kapal ng pader at 12 talampakan ang taas. Sampung talampakan ang luwang ng daanan. 4Sinukat niya ang bulwagan ng Pinakabanal na Lugar, at 35 na talampakan ang haba nito ganoon din ang luwang. Pagkatapos, sinabi ng tao sa akin, “Ito ang Pinakabanal na Lugar.”
5Pagkatapos, sinukat ng tao ang pader ng templo at ang kapal nito ay sampung talampakan. Sa labas ng pader na ito na nakapaligid sa templo ay may sunod-sunod na silid na tig-pipitong talampakan ang luwang. 6May tatlong palapag ang mga silid na ito at bawat palapag ay may 30 silid. Ang bawat palapag ay nakapatong sa malapad na parang biga sa gilid ng pader ng templo. Kaya hindi na nito kailangan ng mga biga. 7Ang pader ay papanipis mula sa ibaba pataas, kaya ang mga silid ay unti-unting lumuluwang mula sa unang palapag hanggang sa pangatlong palapag. May hagdanan mula sa unang palapag papunta sa ikalawang palapag hanggang sa ikatlong palapag.
8Nakita ko ang templo na nakapatong sa pundasyon na sampung talampakan ang taas, at ito rin ang pundasyon ng mga silid sa gilid ng templo. 9Ang pader sa bandang labas ng mga silid ay walong talampakan ang kapal. May bukas na bahagi sa pagitan ng mga silid na ito 10at sa ibang silid na may luwang na 35 na talampakan at nakapaikot sa templo. 11May dalawang pinto papunta sa mga silid sa gilid mula sa bukas na bahagi, ang isa ay sa gawing hilaga at ang isa ay sa gawing timog. Ang tapat ng bakanteng lugar ay may daanan na ang luwang ay walong talampakan.
12May nakita akong isang gusali na nakaharap sa bakuran ng templo sa kanluran. Ang luwang ng gusaling ito ay 118 talampakan, at ang haba ay 150 talampakan, at ang kapal ng pader ay walong talampakan. 13Pagkatapos, sinukat ng tao ang haba ng templo, at itoʼy 170 talampakan. Ang sukat mula sa likurang bahagi ng templo papunta sa kabilang bahagi ng pader ng gusali sa kanluran ay 170 talampakan. 14Ang luwang ng bulwagan sa loob sa gawing silangan, sa harap ng templo ay 170 talampakan din.
15Pagkatapos, sinukat din ng tao ang haba ng gusali sa kanluran na nakaharap sa loob ng bulwagan na likod ng templo, pati ang mga pader sa bawat tabi nito, at ito ay may sukat na 170 talampakan. Ang Banal na Lugar, ang Pinakabanal na Lugar, at ang balkonahe ng templo 16ay nababalot ng tabla,#41:16 nababalot ng tabla: Ganito sa tekstong Septuagint. Sa tekstong Hebreo, ang sahig sa silong ng pintuan. pati ang palibot ng maliliit na bintana. Ang tatlong silid sa magkabilang daanan ay nababalot din ng tabla mula sa sahig hanggang bintana. Ang mga bintanang ito ay maaaring isara. 17Ang dingding sa itaas ng pinto na papunta sa Pinakabanal na Lugar ay nababalot din ng mga tabla. Ang buong dingding sa loob ng templo 18ay napapalamutian ng mga nakaukit na punong palma at mga kerubin na may dalawang mukha. 19Ang isang kerubin ay mukha ng taong nakaharap sa palma at ang isa naman ay mukha ng leon na nakaharap din sa kabilang palma. Nakaukit ang mga ito sa lahat ng dingding ng templo, 20mula sa sahig hanggang sa itaas, pati na sa dingding sa labas ng Banal na Lugar.
21Parisukat ang hamba ng pinto ng Banal na Lugar. Sa harap ng pinto ng Banal na Lugar ay may parang 22altar na kahoy na limang talampakan ang taas at tatlong talampakan ang haba at tatlo ring talampakan ang luwang. Ang mga sulok, sahig at mga gilid ay puro kahoy. Sinabi sa akin ng tao, “Ito ang mesa sa harap ng Panginoon.” 23Ang Banal na Lugar at ang Pinakabanal na Lugar ay may tigdalawang pinto, 24ang bawat pinto ay may dalawang hati na maaaring itiklop. 25Ang pintuan ng Banal na Lugar ay may mga nakaukit na kerubin at punong palma gaya ng sa dingding. At ang balkonahe ay may mga bubong na kahoy. 26Sa bawat gilid ng balkonahe ay may maliliit na bintanang may nakaukit sa gilid na mga puno ng palma. Ang mga silid sa gilid ng templo ay may bubong din.
Kasalukuyang Napili:
Ezekiel 41: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.