Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Genesis 1

1
Ang Paglikha
1Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa. 2Ang lupa noon ay wala pang anyo at wala pang laman. Ang tubig na pumapaibabaw sa lahat ay balot ng kadiliman, at ang Espiritu ng Diyos ay kumikilos sa ibabaw ng tubig.
3Sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag!” At nagkaroon nga ng liwanag. 4Nasiyahan ang Diyos sa liwanag na nakita niya. Pagkatapos, ihiniwalay niya ang liwanag sa kadiliman. 5Tinawag niyang “araw” ang liwanag, at “gabi” naman ang kadiliman. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang unang araw.
6Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng kalawakan na maghihiwalay sa tubig sa dalawang bahagi.” 7At nagkaroon nga ng kalawakan na naghihiwalay sa tubig sa itaas at sa tubig sa ibaba. 8Ang kalawakang itoʼy tinawag ng Diyos na “langit.” Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalawang araw.
9Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magsama sa isang lugar ang tubig sa ilalim ng langit para lumitaw ang tuyong bahagi.” At iyon nga ang nangyari. 10Tinawag ng Diyos na “lupa” ang tuyong lugar, at “dagat” naman ang nagsamang tubig. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya.
11Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magsitubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman: ang mga tanim na namumunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri.” At iyon nga ang nangyari. 12Tumubo sa lupa ang lahat ng uri ng halaman: ang mga tanim na namumunga ng butil, at ang mga punongkahoy na namumunga ayon sa kani-kanilang uri. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya. 13Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikatlong araw.
14Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng mga ilaw sa kalawakan upang ihiwalay ang araw sa gabi, at magsilbing palatandaan ng mga panahon,#1:14 mga panahon: Ang tinutukoy nito ay ang mga panahon ng kapistahan, pagtatanim, pag-aani, at iba pang mahahalagang araw. araw at taon. 15Magniningning ang mga ito sa kalawakan upang magbigay-liwanag sa mundo.” At iyon nga ang nangyari. 16Nilikha ng Diyos ang dalawang malalaking ilaw: Ang mas malaki ay magliliwanag kung araw, at ang mas maliit ay magliliwanag kung gabi. Nilikha rin niya ang mga bituin. 17Inilagay ng Diyos ang mga ito sa kalawakan upang magbigay-liwanag sa daigdig, 18upang pamunuhan ang araw at gabi, at upang ihiwalay ang liwanag sa dilim. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya. 19Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaapat na araw.
20Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Mapuno ang tubig ng napakaraming uri ng nilalang at magsilipad ang mga ibon sa himpapawid.” 21Kaya nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang lahat ng uri ng nilalang na pumupuno at gumagalaw sa tubig, at ang lahat ng uri ng ibon. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya. 22At binasbasan niya ang mga ito. Sinabi niya, “Magkaanak kayo at magpakarami, kayong mga nilalang sa tubig, at punuin ninyo ang mga dagat, at magpakarami kayo, kayong mga ibon.” 23Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikalimang araw.
24Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng ibaʼt ibang uri ng nilalang sa lupa: mga hayop na maaamo at maiilap, at lahat ng uri ng nilalang na gumagapang.” At iyon nga ang nangyari. 25Nilikha ng Diyos ang lahat ng uri ng hayop na maiilap at maaamo, at lahat ng uri ng nilalang na gumagapang sa lupa. Nasiyahan ang Diyos sa nakita niya.
26Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Likhain natin ang tao ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid, sa mga hayop na maaamo at maiilap, at sa lahat ng nilalang na gumagapang sa lupa.”
27Kaya nilikha ng Diyos ang tao,
lalaki at babae
ayon sa wangis niya.
28Binasbasan sila ng Diyos at sinabi, “Magkaanak kayo at magpakarami. Punuin ninyo ang daigdig at pamahalaan ninyo ito. Pamunuan ninyo ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawat nilalang na gumagalaw sa lupa.”
29Pagkatapos, sinabi ng Diyos, “Ibinibigay ko sa inyo ang mga tanim na namumunga ng butil pati ang mga punongkahoy na namumunga upang inyong kainin. 30At ibinibigay ko sa lahat ng hayop ang lahat ng luntiang halaman bilang pagkain nila.” At iyon nga ang nangyari.
31Pinagmasdan ng Diyos ang lahat niyang nilikha at lubos siyang nasiyahan. Lumipas ang gabi at dumating ang umaga. Iyon ang ikaanim na araw.

Kasalukuyang Napili:

Genesis 1: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in