Genesis 16:6-16
Genesis 16:6-16 ASD
Sumagot si Abram, “Kung ganoon, ibabalik ko siya sa iyo bilang alipin mo at bahala ka kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Simula noon, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, kaya tumakas na lamang ito. Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur. Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?” Sumagot siya, “Tumakas po ako sa amo kong si Sarai.” Sinabi ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.” Pagkatapos, sinabi pa ng anghel, “Pararamihin ko ang lahi mo, at ang dami nilaʼy hindi mabibilang.” At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya, “Nagdadalantao ka ngayon at magsisilang ka ng lalaki. Pangangalanan mo siyang Ismael, sapagkat narinig ng Panginoon ang iyong pagdaing. Ngunit ang anak mo ay mabubuhay tulad ng isang asnong-gubat. Kakalabanin niya ang lahat, at ang lahat ay lalaban sa kanya. Kahit ang mga kamag-anak niya ay kakalabanin sa kanya.” Tinawag ni Hagar na “Diyos na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, sapagkat sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Diyos na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kades at Bered na tinatawag na Beer-lahai-roi. At nagsilang si Hagar ng isang anak na lalaki kay Abram. Pinangalanan niya ang kanyang anak ng Ismael. Si Abram ay walumpuʼt anim na taóng gulang nang ipinanganak ni Hagar si Ismael.

