Genesis 16
16
Si Hagar at si Ishmael
1Si Sarai na asawa ni Abram ay hindi magkaanak. May alipin siyang babae na taga-Egipto na ang pangalan ay Hagar. 2Sinabi ni Sarai kay Abram, “Dahil hindi pinahintulutan ng Panginoon na magkaanak ako, mabuti pa sigurong sumiping ka sa alipin kong babae, baka sakaling magkaroon tayo ng anak sa pamamagitan niya.”
Pumayag si Abram sa sinabi ng kanyang asawa. 3Kaya ibinigay ni Sarai si Hagar kay Abram para maging asawa nito. (Nangyari ito matapos manirahan si Abram sa Canaan ng sampung taon.) 4At nagbuntis nga si Hagar.
Nang malaman ni Hagar na buntis siya, hinamak niya si Sarai. 5Dahil dito, sinabi ni Sarai kay Abram, “Ngayong buntis na si Hagar hinahamak na niya ako. Ikaw ang dapat sisihin. Ibinigay ko siya sa iyo at ikaw dapat ang sumaway sa kanya. Ang Panginoon na ang humatol kung sino sa atin ang tama.”
6Sumagot si Abram, “Kung ganoon, ibabalik ko siya sa iyo bilang alipin mo at bahala ka kung ano ang gusto mong gawin sa kanya.” Simula noon, hindi naging maganda ang pakikitungo ni Sarai kay Hagar, kaya lumayas na lamang ito.
7Nakita si Hagar ng anghel ng Panginoon doon sa bukal ng tubig sa ilang. Ang bukal na ito ay malapit sa daan na papuntang Shur. 8Tinanong siya ng anghel, “Hagar, alipin ni Sarai, saan ka ba nanggaling at saan ka pupunta?”
Sumagot siya, “Lumayas po ako sa amo kong si Sarai.”
9Sinabi ng anghel sa kanya, “Bumalik ka sa amo mo at magpakumbaba ka sa kanya.” 10Pagkatapos, sinabi pa ng anghel,
“Pararamihin ko ang lahi mo na ang dami nilaʼy hindi mabibilang.”
11At sinabi pa ng anghel ng Panginoon sa kanya,
“Buntis ka na at hindi magtatagal ay magkakaanak ka ng lalaki. Pangangalanan mo siyang Ishmael,#16:11 Ishmael: Ang ibig sabihin, nakikinig ang Dios. dahil pinakinggan ng Panginoon ang pagtawag mo sa kanya dahil sa iyong pagtitiis.
12Pero ang anak mo ay mabubuhay na katulad ng isang asnong-gubat. Kakalabanin niya ang lahat, at ang lahat ay lalaban sa kanya. Kahit ang mga kamag-anak niya ay lalaban sa kanya.”
13Tinawag ni Hagar na “Dios na Nakakakita” ang pangalan ng Panginoon na nakipag-usap sa kanya, dahil sinabi niya, “Tunay bang nakita ko ang Dios na nakakakita sa akin sa lugar na ito?” 14Iyon ang bukal na naroon sa gitna ng Kadesh at Bered na tinatawag na Beer Lahai Roi.#16:14 Beer Lahai Roi: Ang ibig sabihin, Balon ng buhay na Dios na nakakakita sa akin.
15 Bumalik si Hagar kay Sarai, at dumating ang panahon na nanganak siya ng isang lalaki. Pinangalanan ni Abram ang bata na Ishmael. 16Nasa 86 na taong gulang si Abram nang ipinanganak si Ishmael.
Kasalukuyang Napili:
Genesis 16: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.