Genesis 17:18-27
Genesis 17:18-27 ASD
Sinabi niya sa Diyos, “Kung ganoon po ang mangyayari, nawaʼy pagpalain nʼyo po ang anak kong si Ismael.” Sumagot ang Diyos, “Oo, ngunit ang asawa mong si Sara ay manganganak ng lalaki at papangalanan mo siyang Isaac. Sa kanya ko ipagpapatuloy ang kasunduan ko sa iyo, at magpapatuloy ang kasunduang ito sa mga lahi niya magpakailanman. Tungkol naman kay Ismael, narinig ko ang kahilingan mo para sa kanya. Pagpapalain ko siya at bibigyan ng maraming lahi. Magiging ama siya ng labindalawang pinuno, at ang mga lahi niya ay magiging mga tanyag na tao. Subalit ang kasunduan ko sa iyo ay tutuparin ko lang kay Isaac. Ipapanganak ni Sara si Isaac sa ganito ring panahon sa susunod na taon.” Umalis ang Diyos pagkatapos niyang sabihin kay Abraham ang mga ito. Sa mismong araw na iyon, tinupad ni Abraham ang iniutos sa kanya ng Diyos. Tinuli niya ang anak niyang si Ismael at ang lahat ng lalaki sa kanyang sambahayan: ang mga aliping isinilang sa tahanan niya at ang mga aliping binili niya. Si Abraham ay siyamnapuʼt siyam na taóng gulang nang tuliin siya, at si Ismael naman ay labingtatlong taóng gulang na. Sa mismong araw na iyon ay tinuli si Abraham at ang kanyang anak na si Ismael. At ang lahat ng mga alipin niya na isinilang sa sambahayan niya at binili niya sa mga dayuhan ay tinuli rin.

