Jeremias 3
3
1“Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
2“Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao#3:2 mapagsamantalang tao: sa Hebreo, Arabo. na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang. 3Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya. 4At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama#3:4 kasama: o, kaibigan. ko mula noong bata pa ako. 5Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”
Ginaya ng Juda ang Israel
6Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya. 7Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda. 8Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya 9sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan. 10At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
11Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda. 12Lumakad ka ngayon at sabihin mo ito sa Israel,#3:12 Israel: sa Hebreo, hilaga. ‘Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Israel na taksil, manumbalik ka, dahil mahabagin ako. Hindi na ako magagalit sa iyo kailanman. 13Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo.#3:14 akin kayo: sa literal, ako ang Panginoon ninyo. Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.#3:14 Israel: o, Jerusalem; sa Hebreo, Zion. 15Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa. 16Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito. 17Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. 18Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana. 19Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin. 20Pero kayong mga mamamayan ng Israel ay nagtaksil sa akin, tulad ng babaeng nagtaksil sa asawa niya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
21“May naririnig na mga ingay sa itaas ng bundok. Nag-iiyakan at nagmamakaawa ang mga mamamayan ng Israel dahil naging masama ang kanilang pamumuhay at kinalimutan nila ako, ang Panginoon na kanilang Dios. 22Kayong mga naliligaw kong anak, manumbalik kayo sa akin at itutuwid ko ang inyong kataksilan.
“Sumagot sila, ‘Opo, lalapit po kami sa inyo dahil kayo ang Panginoon naming Dios. 23Talagang mali po ang pagsamba namin sa mga dios-diosan sa mga bundok. Sa inyo lamang ang kaligtasan ng Israel, Panginoon naming Dios. 24Mula po sa kabataan namin, ang mga nakakahiyang dios-diosan ang nakinabang sa mga pinaghirapan ng mga ninuno namin ang mga hayop at anak nila. 25Dapat nga po kaming magtago dahil sa hiya dahil kami at ang mga ninuno namin ay nagkasala sa inyo, Panginoon naming Dios. Mula sa kabataan namin hanggang ngayon, hindi po kami sumunod sa inyo.’ ”
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 3: ASND
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Used by permission of Biblica, Inc.® All rights reserved worldwide.