Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 39

39
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
1Ganito ang pagkawasak ng Jerusalem: Noong ikasampung buwan ng ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang buong hukbo niya sa Jerusalem. 2At noong ikaapat na buwan ng ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia, nawasak ng mga taga-Babilonia ang pader ng lungsod. 3Nang mapasok na nila ang Jerusalem, ang lahat ng pinuno ng hari ng Babilonia ay umupo sa Gitnang Pintuan#39:3 umupo sa Gitnang Pintuan: Para ipakita na nasakop na nila ang lungsod at sila na ang namumuno rito. ng lungsod. Naroon sina Nergal Sharezer na taga-Samgar, Nebo, Sarsekim na isang pinuno, at isa pang Nergal Sharezer na isang opisyal, at ang iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia.
4Nang makita sila ni Haring Zedekia at ng mga sundalo nito, tumakas sila pagsapit ng gabi. Doon sila dumaan sa halamanan ng hari, sa pintuang nasa pagitan ng dalawang pader, at pumunta sila sa Lambak ng Jordan.#39:4 Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.
5Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Hinuli nila si Zedekia at dinala kay haring Nebucadnezar sa Ribla sa lupain ng Hamat. At hinatulan siya roon ng kamatayan ni Nebucadnezar. 6Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang mga anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 7At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia at ikinadena siya at dinala sa Babilonia.
8Sa Jerusalem naman, sinunog ng mga taga-Babilonia ang mga bahay pati ang palasyo ng hari, at winasak nila ang mga pader. 9Sa pangunguna ni Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, ipinadala sa Babilonia ang mga taong naiwan sa lungsod pati na ang mga taong kumampi kay Nebuzaradan. 10Pero iniwan ni Nebuzaradan sa Juda ang ilang mga taong wala kahit anumang ari-arian, at binigyan niya sila ng mga ubasan at bukirin.
11Nag-utos si Haring Nebucadnezar kay Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya tungkol kay Jeremias. Sinabi niya, 12“Kunin mo si Jeremias at alagaan mo siyang mabuti. Gawin mo ang anumang hilingin niya.” 13Sinunod ito nina Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya, Nebushazban, Nergal Sharezer at ng iba pang mga pinuno ng hari ng Babilonia. 14Ipinakuha nila si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo at ibinigay kay Gedalia na anak ni Ahikam na apo ni Shafan, at dinala niya si Jeremias sa kanyang bahay. Kaya naiwan si Jeremias sa Juda kasama ang iba pa niyang mga kababayan.
15Noong si Jeremias ay nakakulong pa sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, sinabi sa kanya ng Panginoon, 16“Pumunta ka kay Ebed Melec na taga-Etiopia at sabihin mo na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Gagawin ko na ang mga sinabi ko laban sa lungsod na ito. Hindi ko ito pauunlarin. Wawasakin ko ito. Makikita mo na mangyayari ito. 17Pero ililigtas kita sa mga panahong iyon. Hindi kita ibibigay sa mga taong kinatatakutan mo. 18Ililigtas kita. Hindi ka mamamatay sa digmaan. Maliligtas ka dahil nagtitiwala ka sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Kasalukuyang Napili:

Jeremias 39: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in