Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 49

49
Ang Mensahe Tungkol sa Ammon
1Ito naman ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga taga-Ammon:
“Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Molec, bakit nʼyo tinitirhan ang mga bayan ng lupain ni Gad? Wala bang lahi si Israel na magmamana ng lupaing ito? 2Ako, ang Panginoon ay nagsasabing, darating ang araw na ipapasalakay ko sa mga kaaway ang Rabba. Wawasakin ang lungsod nʼyong ito pati ang mga baryo sa palibot ay susunugin. Sa ganitong paraan, mapapalayas ng mga taga-Israel ang mga nagpalayas sa kanila.
3“Umiyak kayo nang malakas, kayong mga taga-Heshbon dahil wasak na ang Ai. Umiyak din kayong mga taga-Rabba. Magdamit kayo ng damit na sako at magparooʼt parito sa gilid ng pader para ipakita ang pagluluksa ninyo. Sapagkat bibihagin ang dios-diosan nʼyong si Molec pati ang mga pari at pinuno niya. 4Kayong mga taksil, bakit ninyo ipinagyayabang ang inyong masaganang mga kapatagan? Nagtitiwala kayo sa kayamanan ninyo at sinasabi ninyong walang sasalakay sa inyo. 5Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay magpapadala sa inyo ng mga kaaway mula sa mga bansa sa palibot ninyo para takutin kayo. Palalayasin nila kayo sa inyong lupain at walang sinumang tutulong sa inyo. 6Pero darating ang araw na ibabalik ko sa mabuting kalagayan ang mga taga-Ammon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
Ang Mensahe tungkol sa Edom
7Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan tungkol sa Edom:
“Nasaan na ang marurunong sa Teman? Wala na bang natitirang marunong magpayo? 8Kayong mga nakatira sa Dedan tumakas kayo at magtago sa malalalim na kweba. Sapagkat padadalhan ko ng kapahamakan ang mga lahi ni Esau sa oras na parusahan ko sila. 9Hindi baʼt ang mga namimitas ng ubas ay nag-iiwan ng mga bunga? Hindi baʼt ang mga magnanakaw ay kumukuha rin lang ng anumang magugustuhan nila? 10Pero kukunin ang lahat ng ari-arian ng mga angkan ni Esau. Kukunin ko ang takip ng pinagtataguan nila para hindi na sila makapagtago. Mamamatay ang mga anak, kamag-anak at mga kapitbahay nila. Walang matitira sa kanila. 11Pero maiiwan sa akin ang mga ulila nʼyo dahil ako ang kakalinga sa kanila. At ang mga biyuda nʼyo ay makakaasa sa akin.”
12Sinabi pa ng Panginoon, “Kung ang mga walang kasalanan ay nagdurusa, kayo pa kaya? Tiyak na parurusahan kayo. 13Isinusumpa ko sa sarili ko na ang Bozra ay mawawasak. Magiging nakakatakot ang kalagayan nito, at kukutyain at susumpain ito. Ang lahat ng bayan nito ay magiging wasak magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
14Narinig ko ang balita mula sa Panginoon na nagpadala siya ng mga sugo sa mga bansa para paghandain sila sa digmaan at hikayatin silang salakayin ang bansa ng Edom. 15Sapagkat sinabi ng Panginoon sa mga taga-Edom, “Gagawin ko kayong mas mababa kaysa sa ibang mga bansa, at hahamakin nila kayo. 16Ipinagmamalaki ninyo na nakatira kayo sa batuhan at matataas na lugar. Pero sa pagmamataas at pananakot nʼyong iyan sa iba, dinadaya nʼyo ang sarili ninyo. Sapagkat kahit na naninirahan kayo sa pinakamataas na lugar katulad ng pinagpupugaran ng agila, ibabagsak ko pa rin kayo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
17Sinabi pa ng Panginoon, “Magiging malagim ang kalagayan ng Edom. Ang lahat ng dumadaan ay mangingilabot at halos hindi makapaniwala sa nangyari sa bansang ito. 18Kung paanong nawasak ang Sodom at Gomora at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Edom. At wala nang maninirahan dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 19Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Edom. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin? 20Kaya pakinggan nʼyo ang binabalak kong gawin laban sa Edom pati sa mga mamamayan ng Teman: Bibihagin ko ang mga anak nila at gigibain ang mga tahanan nila. 21At dahil sa matinding pagkawasak ng Edom, mayayanig ang lupa at ang iyakan ng mga taga-roon ay maririnig hanggang sa Dagat na Pula. 22Tingnan nʼyo! Ang kaaway ay parang agila na lumilipad na dadagit sa mga taga-Bozra. Sa panahong iyon, matatakot at magiging parang babaeng malapit nang manganak ang mga sundalo sa Edom.”
Ang Mensahe tungkol sa Damascus
23Ito ang mensahe tungkol sa Damascus: “Natakot ang mga taga-Hamat at taga-Arpad sa masasamang balita na narinig nila. Naguguluhan at nanlulupaypay sila, at hindi mapalagay katulad ng maalong dagat. 24Nanghihina ang mga taga-Damascus at tumakas sila dahil sa takot. Takot at sakit ng damdamin ang nararamdaman nila na para bang babaeng malapit nang manganak. 25Ang tanyag at masayang#49:25 masayang: o, kinalulugdan ko. lungsod ng Damascus ay itinakwil. 26Ang mga kabataan niyang lalaki ay mamamatay sa mga lansangan pati ang lahat ng kawal niya. 27Susunugin ko ang mga pader ng Damascus, pati ang matitibay na palasyo ni Haring Ben Hadad.”
Ang Mensahe tungkol sa Kedar at Hazor
28Ito ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kedar at mga kaharian ng Hazor na sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia:
“Humanda kayo at salakayin nʼyo ang Kedar. Lipulin nʼyo ang mga taong ito ng silangan. 29Ang mga tolda, kawan, mga ari-arian, at mga kamelyo nila ay sasamsamin. Sisigaw sila, ‘Napapaligiran tayo ng mga nakakatakot nating kaaway.’
30“Mga taga-Hazor, magmadali kayo at tumakas! Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing magtago na kayo sa mga kweba. Nagplano ng masama laban sa inyo si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. 31Ako, ang Panginoon, ang nag-utos sa kanila, ‘Lusubin nʼyo ang mga taong namumuhay nang tiwasay at walang anumang ikinababalisa. Walang trangka ang pintuan ng lungsod nila, at nabubuhay sila na sila-sila lang. 32Ang mga kamelyo nila at ang lahat ng kawan nila ay magiging inyo. Pangangalatin ko ang mga taong ito na nakatira sa malayong lugar at pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan mula sa kung saan-saan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 33Magiging malungkot ang Hazor magpakailanman at walang taong maninirahan doon kundi magiging tirahan na lang ng mga asong-gubat.’ ”#49:33 asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
Ang Mensahe tungkol sa Elam
34Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Elam noong nagpasimulang maghari si Zedekia sa Juda. 35Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Papatayin ko ang mga tagapana ng Elam – ang pinakamahusay nilang mga kawal. 36Sasalakayin ang Elam ng mga kaaway mula sa lahat ng panig, at pangangalatin ko ang mga mamamayan niya sa lahat ng dako. Bibihagin sila sa lahat ng bansa sa buong daigdig. 37Lilipulin ko sila sa pamamagitan ng mga kaaway nila na nais pumatay sa kanila. Talagang pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan dahil sa matindi kong galit sa kanila. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ipapasalakay ko sila sa mga kaaway nila hanggang sa mawala silang lahat. 38Papatayin ko ang hari at ang mga pinuno ng Elam, at itatayo ko roon ang trono ko. 39Pero darating ang araw na ibabalik ko ang Elam sa mabuting kalagayan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Kasalukuyang Napili:

Jeremias 49: ASND

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in