Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Jeremias 51

51
Dagdag na Parusa sa Babilonia
1Ito pa ang sinabi ng Panginoon:
“Udyukan ko ang mangwawasak na sumalakay
laban sa Babilonia at sa mga mamamayan nito.#51:1 mga mamamayan nito: Sa Hebreo, mga mamamayan ng Leb Kamai, na isa pang pangalan ng Babilonia.
2Magpapadala ako ng mga dayuhan
para salakayin at wasakin ang Babilonia
na tulad ng ipang tinatangay ng hangin.
Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako
sa araw ng kapahamakan nito.
3Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila.
Wala silang ititirang kabataang lalaki.
Lubusan nilang lilipulin
ang mga hukbo ng Babilonia.
4Hahandusay ang mga bangkay
sa lupain ng Babilonia,
ang mga nilaslas ay naroon sa mga daan.
5Sapagkat ang Panginoong Diyos
ng mga Hukbo
ay hindi itinakwil ang Israel at Juda
Siya pa rin ang kanilang Diyos
kahit labis ang kasalanan ng kanilang lupain
laban sa Nag-iisang Banal ng Israel.
6“Tumakas kayo mula sa Babilonia!
Iligtas ninyo ang inyong buhay!
Hindi kayo dapat mamatay
dahil sa kasalanan ng Babilonia.
Panahon na ng paghihiganti ng Panginoon
nang nararapat ayon sa mga ginawa niya.
7Ang Babilonia ay tulad ng tasang ginto
sa kamay ng Panginoon
na puno ng alak.
Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig,
at silaʼy nalasing at naging baliw.
8Biglang mawawasak ang Babilonia!
Ipagluksa ninyo siya!
Gamutin ninyo ang kanyang mga sugat
at baka sakaling gumaling siya.”
9“Sinabi ng mga dayuhang naninirahan doon,
‘Sinikap naming gamutin ang Babilonia
pero hindi na ito magagamot pa.
Pabayaan na lang natin siya
at umuwi na tayo sa mga lugar natin.
Sapagkat hanggang langit na
ang kanyang mga kasalanan
kaya parurusahan na siya
ng Panginoon.’
10“Sinabi ng aking mga mamamayan
na bihag doon,
‘Ipinaghiganti tayo ng Panginoon.
Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem#51:10 Jerusalem: Sa Hebreo, Zion. Ganito rin sa talata 24|JER 51:24.
at sabihin natin doon ang ginawa
ng Panginoon na ating Diyos.’ ”
11“Patalasin ninyo ang inyong mga pana
at ihanda ang inyong mga pananggalang.
Inudyukan ng Panginoon ang mga hari ng Media
na wasakin ang Babilonia
dahil ito ang layunin niya.
Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia
dahil sa paggiba nito sa kanyang Templo.
12Itaas ninyo ang watawat
na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia.
Dagdagan ninyo ang mga guwardiya;
ipuwesto ang mga bantay.
Palibutan ninyo ang lungsod!
Panahon na upang gawin ng Panginoon
ang kanyang plano laban
sa mga taga-Babilonia.”
13O Babilonia, sagana ka sa tubig
at sagana ka rin sa kayamanan.
Ngunit dumating na ang katapusan mo,
ang araw ng iyong kapahamakan.
14Sumumpa ang Panginoong Diyos ng mga Hukbo sa kanyang sarili,
“Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang,
at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”
Ang Pagpupuri sa Panginoon
15Nilikha niya ang mundo
sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan,
at sa kanyang karunungan
ay inilatag niya ang kalawakan.
16Sa kanyang utos ay lumalabas
ang mga ulap
at mga kidlat sa kalawakan,
at bumubuhos ang malakas na ulan.
Pinapalabas niya ang hangin
mula sa pinanggagalingan nito.
17Mga mangmang at walang pang-unawa
ang bawat taong sumasamba sa mga diyos-diyosan.
Mapapahiya lang ang mga platerong
gumawa ng mga diyos-diyosan nila,
dahil hindi naman totoong diyos ang mga ito.
Wala silang buhay,
18wala silang kabuluhan at dapat kamuhian.
Darating ang araw na wawasakin
ang lahat ng ito.
19Ngunit ang Diyos ni Jacob#51:19 Diyos ni Jacob: Sa literal, bahagi ni Jacob. ay hindi katulad ng mga iyon.
Siya ang lumikha ng lahat ng bagay
pati na ang Israel, ang lahi na kanyang hinirang,
Panginoon ng mga Hukbo ang kanyang pangalan.
Ang Martilyo ng Panginoon
20Sinabi ng Panginoon, “Ikaw#51:20 Ikaw: Maaaring si Ciro, ang ginamit ng Panginoon upang magtagumpay sa Babilonia. ang panghampas ko,
ang sandata ko sa digmaan.
Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa
at sisirain ang mga kaharian,
21dudurugin ko ang mga kabayo, karwahe
at ang mga nakasakay dito.
22Sa pamamagitan mo, lilipulin ko
ang mga lalaki at babae,
ang mga matatanda at bata,
at ang mga binata at dalaga.
23Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo
ang mga kawan at mga pastol,
ang mga magbubukid at mga baka,
ang mga pinuno at iba pang
mga namamahala.
24“Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem,” sinabi ng Panginoon.
25“Kalaban kita, O Babilonia,
ikaw na tinaguriang
Bundok na Mapangwasak!
Winasak mo ang buong mundo,” sabi ng Panginoon.
“Gagamitin ko ang kapangyarihan ko
upang wasakin at sunugin ka.
26Walang anumang batong makukuha sa iyo
para gamitin sa pagtatayo ng bahay.
Magiging malungkot ang iyong kahihinatnan
sa habang panahon,”
sabi ng Panginoon.
27“Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay!
Patunugin ang trumpeta sa mga bansa!
Ihanda sila para salakayin ang Babilonia.
Utusang sumalakay ang mga sundalo
ng Ararat, Mini at Asquenaz.
Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia.
Magpadala kayo ng mga kabayong
kasindami ng mga balang.
28Paghandain mo ang mga hari ng Media,
pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila,
at ang lahat ng bansang
nasasakupan nila
para salakayin ang Babilonia.
29Nayayanig ang lupa at namimilipit,
sapagkat isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano
laban sa Babilonia,
na gawing tiwangwang ang dakong ito,
at wala nang maninirahan dito.
30Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban
at mananatili na lang sila sa kanilang tanggulan.
Mauubos ang kanilang lakas
at manghihina sila na parang
mga babae.
Masusunog ang mga bahay nila
at masisira ang tarangkahan
ng kanilang mga pintuan.
31Sunod-sunod na darating
ang mga tagapagbalita
para sabihin sa hari ng Babilonia
na ang buong lungsod ay nasakop na.
32Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog.
Sinunog ang mga kampo
at nasisindak ang mga sundalo.”
33Ito ang sinabi Panginoong Diyos ng mga Hukbo, ang Diyos ng Israel:
“Ang Babilonia ay tulad ng trigo
na malapit nang anihin at giikin.”
34Sinabi ng mga taga-Jerusalem,
“Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia
ay parang dragong lumamon sa amin.
Binusog niya ang kanyang tiyan
ng aming mga kayamanan.
Wala siyang itinira sa aming lungsod
na parang banga na walang laman.
Itinaboy niya kami at hindi namin alam
kung ano ang aming gagawin.
35Gawin din sana sa Babilonia
ang ginawa niya sa amin
at sa mga anak namin.
Pagbayaran sana ng mga mamamayan
ng Babilonia
ang mga pagpatay nila,”
sabi ng mga taga-Jerusalem.
36Kaya sinabi ng Panginoon:
“Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo
at maghihiganti ako para sa inyo.
Patutuyuin ko ang dagat
at ang mga bukal sa Babilonia.
37Wawasakin ko ang bansang Babilonia!
Magiging katawa-tawa
at kasumpa-sumpa ang bansang ito,
at wala nang maninirahan dito
maliban sa mga asong-gubat.#51:37 asong-gubat: Sa Ingles, “jackal.”
38Ang mga taga-Babilonia
ay aatungal na parang leon.
Sila ay uungol katulad
ng mga batang leon.
39At dahil silaʼy gutom,
ipaghahanda ko sila ng piging.
Lalasingin ko sila, pasasayahin
at patutulugin nang mahimbing
habang panahon,
at hindi na magigising,” sabi ng Panginoon.
40“Dadalhin ko sila upang katayin
na parang mga tupa at mga kambing.
41“Papaanong bumagsak ang Babilonia?#51:41 Babilonia: Sa Hebreo, Sheshac.
Ang bansang hinahangaan ng buong mundo!
Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya!
42Matatabunan ng malalakas na alon
ang Babilonia.
43Magiging malungkot ang kanyang mga bayan
na parang disyerto na walang taong nakatira
o dumadaan man lang.
44Parurusahan ko si Bel na diyos-diyosan ng Babilonia.
Ipapasuka ko sa kanya ang kanyang mga nilamon.#51:44 ang kanyang mga nilamon: Maaaring ang ibig sabihin nito ay ang mga taong binihag ng mga taga-Babilonia at ang mga ari-arian na nasamsam nito.
Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin.
Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.
45“Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia!
Iligtas ninyo ang inyong buhay
bago ibuhos ng Panginoon
ang kanyang galit.
46Ngunit huwag kayong matatakot o manlulupaypay
kung dumating na ang balita
tungkol sa digmaan.
Sapagkat ang balita
tungkol sa digmaan ng mga hari
ay darating sa bawat taon.
47Darating ang panahon na parurusahan ko
ang mga diyos-diyosan ng Babilonia.
Mapapahiya ang buong Babilonia,
at bubulagta sa daan
ang lahat ng mga bangkay ng kanyang mamamayan.
48At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan
ang langit at ang lupa,
at ang lahat ng nandito
dahil sa pagkawasak ng Babilonia.
Sapagkat sasalakayin ito
ng mga mangwawasak mula sa hilaga,”
sabi ng Panginoon.
49“Kinakailangang wasakin ang Babilonia
dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita
at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
50Kayong mga natitirang buháy mula sa digmaan,
tumakas na kayo mula sa Babilonia
at huwag kayong tumigil!
Alalahanin ninyo ang Panginoon
at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar.
51“Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami.
Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan
dahil ang Templo ng Panginoon
ay dinungisan ng mga dayuhan.’
52“Ngunit darating ang araw
na parurusahan ko
ang mga diyos-diyosan ng Babilonia.
At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia
ay maririnig sa kanilang buong lupain,”
sabi ng Panginoon.
53“Kahit na umabot pa sa langit
ang mga pader ng Babilonia
at kahit tibayan pa nila ito nang husto,
magpapadala pa rin ako
ng wawasak dito,” sabi ng Panginoon.
54“Maririnig ang mga iyakan sa buong Babilonia
dahil sa pagkawasak nito.
55Wawasakin ng Panginoon ang Babilonia
at matatahimik ang malakas na boses nito.
Sasalakay sa kanya ang mga kaaway
na parang umuugong na alon.
Maririnig ang kanilang sigawan
sa kanilang pagsalakay.
56Darating ang mga wawasak ng Babilonia
at bibihagin ang kanyang mga kawal,
at mababali ang kanilang mga pana.
Sapagkat ako, ang Panginoon,
ang Diyos na nagpaparusa sa masasama.
At parurusahan ko ang Babilonia
ayon sa nararapat sa kanya.
57Lalasingin ko ang kanyang
mga tagapamahala, mga marurunong,
mga pinuno, mga punong sundalo
at ang kanyang buong hukbo.
Mahihimbing sila at hindi na
magigising habang panahon,”
sabi ng Hari na ang pangalan
ay Panginoong Diyos ng mga Hukbo.
58Sinabi pa ng Panginoong Diyos ng mga Hukbo:
“Gigibain ang makakapal na pader ng Babilonia
at susunugin ang matataas niyang pintuan.
Magiging walang kabuluhan
ang lahat ng pinaghirapan ng kanyang mga mamamayan
dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”
59Ito ang sinabi ng propetang si Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedequias. Si Seraya ay anak ni Nerias at apo ni Maaseias. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedequias. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedequias sa Juda. 60Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia. 61Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya: “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito. 62Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito upang walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging tiwangwang magpakailanman.’ 63Pagkabasa mo sa kasulatan, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog Eufrates. 64At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”
Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.

Kasalukuyang Napili:

Jeremias 51: ASD

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in