Juan 2:12-25
Juan 2:12-25 ASD
Pagkatapos ng kasalan, pumunta si Hesus sa Capernaum, kasama ang kanyang ina, mga kapatid, at mga alagad. Nanatili sila roon nang ilang araw. Malapit na noon ang Pista ng Paglampas ng Anghel, kaya pumunta si Hesus sa Jerusalem. Pumasok siya sa patyo ng Templo at nadatnan niya roon ang mga nagtitinda ng mga baka, tupa, at mga kalapati, at ang mga tagapalit ng pera na nakapuwesto sa mga lamesa nila. Kaya gumawa siya ng panghagupit na lubid, at itinaboy niya silang lahat palabas ng Templo, kasama ang mga tupa at mga baka. Ikinalat niya ang salapi ng mga tagapalit ng pera at itinaob ang mga lamesa nila. Sinabi ni Hesus sa mga nagtitinda ng mga kalapati, “Alisin ninyo ang mga iyan! Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!” Naalala ng mga alagad niya ang sinabi sa Kasulatan, “Ikapapahamak ko ang pagmamalasakit ko sa inyong bahay.” Dahil sa ginawa niya, tinanong siya ng mga pinuno ng mga Hudyo, “Anong himala ang maipapakita mo sa amin bilang patunay na may karapatan kang gawin ito?” Sinagot sila ni Hesus, “Gibain ninyo ang Templong ito, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo kong muli.” Sinabi naman nila, “Ginawa ang Templong ito nang apatnapuʼt anim na taon at itatayo mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templong tinutukoy ni Hesus ay ang kanyang katawan. Kaya nang nabuhay siyang muli, naalala ng mga alagad niya ang sinabi niyang ito, at naniwala sila sa pahayag ng Kasulatan at sa mga sinabi niya. Habang nasa Jerusalem si Hesus noong Pista ng Paglampas ng Anghel, marami ang sumampalataya sa kanya dahil sa mga ginawa niyang kamangha-manghang tanda. Ngunit hindi nagtiwala si Hesus sa kanila, dahil kilala niya ang lahat ng tao. At hindi na kailangang may magsabi pa sa kanya tungkol sa tao, dahil alam niya ang nasa puso ng bawat isa.

