Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

Juan 4:43-53

Juan 4:43-53 ASND

Pagkatapos ng dalawang araw na pamamalagi roon ni Jesus, umalis siya papuntang Galilea. (Si Jesus mismo ang nagsabi na ang isang propeta ay hindi iginagalang sa sarili niyang bayan.) Nang dumating siya sa Galilea, malugod siyang tinanggap ng mga tao, dahil naroon sila sa Jerusalem noong Pista ng Paglampas ng Anghel at nakita nila ang lahat ng ginawa niya roon. Muling bumalik si Jesus sa bayan ng Cana sa Galilea kung saan ginawa niyang alak ang tubig. Doon ay may isang opisyal ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay may sakit at nasa Capernaum. Nang mabalitaan niyang bumalik si Jesus sa Galilea mula sa Judea, pinuntahan niya ito. Nakiusap siya kay Jesus na pumunta sa Capernaum at pagalingin ang anak niyang nag-aagaw-buhay. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Hanggaʼt hindi kayo nakakakita ng mga himala at kababalaghan, hindi kayo maniniwala sa akin.” Sumagot ang opisyal, “Sumama na po kayo sa akin bago mamatay ang anak ko.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pwede ka nang umuwi. Magaling na ang anak mo.” Naniwala ang opisyal sa sinabi ni Jesus at umuwi siya. Habang nasa daan pa lang ay sinalubong na siya ng mga alipin niya at sinabi sa kanya na magaling na ang anak niya. Kaya tinanong niya kung anong oras ito gumaling. Sumagot sila, “Kahapon po ng mga ala-una ng hapon ay nawala na ang lagnat niya.” Naalala ng opisyal na nang oras ding iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus na magaling na ang anak niya. Kaya siya at ang buong pamilya niya ay sumampalataya kay Jesus.