Logo ng Bible App
Hanapin ang Icon

Joel 2:15-25

Joel 2:15-25 ASD

Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion at ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno. Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. Hayaan ang mga pari na naglilingkod sa harapan ng Panginoon na umiyak sa pagitan ng altar at balkonahe ng templo. Manalangin sila ng ganito: “Panginoon, mahabag po kayo sa inyong bayan. Huwag ninyong payagan na silaʼy hiyain at sakupin ng ibang bansa na nagsasabi, ‘Nasaan ang kanilang Diyos?’ ” Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. Sumagot ang Panginoon sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong alak, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. “Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo. At aalingasaw ang kanilang mga bangkay.” Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas. Magalak kayong mga taga-Zion, sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati upang ipakita na matuwid siya. Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong alak at langis sa mga pisaan nito. Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahong sinalakay ang inyong mga pananim ng sunod-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang.